287 total views
Hindi nagtatapos sa survey ang reyalidad ng inilunsad na war on drugs ng pamahalaan.
Ito ang reaksyon ni Order of Carmilites Justice and Peace Convenor Rev. Fr. Gilbert Billena sa resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS kung saan mayorya ng mga Filipino ang kontento sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Ipinaliwanag ng Pari na bagamat maraming mamamayan sa survey ang suportado ang kampanya ng pamahalaan ay hindi naman ito sumasalamin sa tunay na sitwasyon sa mga kumunidad kung saan talamak pa rin ang kalakalan sa ipinagbabawal na gamut.
Ayon kay Fr. Billena, hindi pa rin nadadakip ang mga drug lord na pinagmumulan ng supply ng droga.
Iginiit ni Fr. Billena na isang kabalintunaan sa layunin ng war on drugs ang pagpapalaya sa apat na convicted drug lord sa halip na ang mga mahihirap na biktima lamang ang pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan.
“Whether we like it or not maraming mga tao na gusto talaga yung War on Drugs ni (Pangulong) Duterte pero in reality naman hindi naman natatapos doon sa survey na yan ang totoong reyalidad ng War on Drugs dahil marami pa ring, may mga droga pa rin sa kumunidad, in fact ito ay nakababahala nga na yung pagpapakawala nila ng 4 convicted drug lords ay isang kabalintunaan doon sa tinatawag natin na War on Drugs ng administrasyong Duterte…” pahayag ni Fr. Billena sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ng Pari na ang pagsugpo sa mga mahihirap na sangkot sa kalakalan ng illegal na droga at ang pagpapakawala sa mga convicted drug lords sa bansa ay isang malaking kabalintunaan sa tunay na sinseridad ng kampanya ng pamahalaan.
Nilinaw ng Pari na mahalagang masuri ng taumbayan ang tunay na layunin sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga na kanilang sinusuportahan.
“Gaano ba talaga kaseryoso ang administrasyong Duterte sa War on Drugs na kung saan pinapakawalan nila yung mga drug lords mismo, mga Chinese drug lord, so yan yung isang malaking tanong na pwede nating i-hapag sa taumbayan na kung tunay nga ba yung War on Drugs na ito na kung saan ating tina-target naman yung mga mahihirap pero yung mga convicted drug lords ay pinapakawalan…” Dagdag pa ni Fr. Billena.
Sa tala, 82-porsyento ng mga Filipino ang nagsabing kontento sila sa paraan ng pagsugpo ng administrasyong Duterte sa ipinagbabawal na gamot habang 12-porsyento naman ang hindi nasisiyahan at anim na porsyento ang nag-aalinlangan.
Taliwas naman ito sa posisyon ng mga human rights defenders sa bansa kung saan umaabot na sa 27,000 ang kanilang naitalang bilang ng mga nasawi mula ng inulunsad ang tinaguriang war on drugs ng pamahalaan.
Nauna nang nagpahayag ng pagsuporta ang Simbahang Katolika sa layunin ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga, ngunit binigyang diing hindi nararapat malabag ang ano mang karapatan ng mamamayan higit sa lahat kitilin ang buhay ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan.