213 total views
Pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang banal na misa bilang pagkilala sa sakripisyo at dakilang misyon ng mga manlalayag na Filipino.
Ito ay bilang paggunita ngayong taon sa 24th National Seafarers Day sa ika-29 ng Septyembre, na gaganapin sa Paco Arena, Manila, alas nuebe ng umaga.
Tema dito ang “Marinong Filipino-Kababaihan: Palakasin sa Industriya” na naglalayong bigyang pagkilala partikular na ang mga kababaihan sa kanilang sakripisyo sa paglalayag sa iba’t-ibang panig ng mundo upang maghanapbuhay para sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Naniniwala ang simbahang katolika na sa kabila ng sakripisyong ito ng mga manlalayag na Filipino ay malaki ang naitutulong ng mga ito sa misyon ng pagpapalaganap ng salita ng Diyos sa lahat ng panig ng mundo.
Sa tulong ng Apostleship of the Sea, nasusuportahan ng simbahang katolika ang mga manlalayag at natutulungan ang mga dumaranas ng kalungkutan, pangungulila, depresyon at pananamantala ng ibang tao.
Naglaan din ang Simbahang Katolika sa Pilipinas ng suporta sa mga naiwang pamilya sa mga aspetong
pinansyal, edukasyon at pangkalusugan.
Sa tala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) noong 2013 mahigit na sa 367-libo ang mga Filipino Seafarers na nasa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Una na ring nanawagan ang Prefect of the Dicastery for Promoting Integral Human Development ng Vatican na si Cardinal Peter Turkson, na mag-alay ng panalangin sa mga seafarers, mga mangingisda at iba pang maritime workers.
Sinabi ni Cardinal Turkson na kinakailangang bigyang pagpapahalaga ang 1.5milyong seafarers sa buong mundo na tumatawid ng karagatan upang maihatid ang 90% ng mga kalakal na ginagamit ng mga tao sa iba’t-ibang bansa.