276 total views
Binasbasan ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga kababaihang Seafarers, sa ika-24 na pagdiriwang ng National Seafarers Sunday noong ika-29 ng Septyembre.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle ipinaalala nitong sa pagsisimula ng simbahan ay mga manlalayag din ang unang naging apostol ni Hesus na inatasang mamalakaya ng mga tao.
Bukod dito, kinilala din ng Kardinal ang mukha ng mga Seafarers sa mundo bilang mukha ng mga Pilipino, dahil mula sa 1.2milyong mga seafarers ay halos kalahati o 400-libo ang mga Pilipino.
“Mabuting tao daw ang mga Pilipino, marunong makipagkapwa tao , kaya maraming salamat sa inyo, isa kayo sa the best exports ng Pilipinas, hindi produkto kun’di tao. Marangal na Pilipino, yan ang kinikilala ng mundo, salamat sa inyo.” Bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Samantala, kaugnay sa tema ng pagdiriwang na “Marinong Filipino-Kababaihan: Palakasin sa Industriya” pinuri naman ni Cardinal Tagle ang galing, talino, integridad at dangal ng mga marinong pilipina.
Aniya, sa kabila ng abilidad na ito ng mga manlalayag ay mayroong kirot sa bawat puso dahil kinakailangan nitong iwan ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
“Mayroong kakaibang kirot sa puso ng mga kababaihan ang mawalay sa kanilang pamilya kaya isa din itong palatandaan ng inyong pagmamahal, ng inyong lakas ng loob, ng inyong pananampalataya, na ang kirot na ito na inyong dinadala [ay para] sa kabutihan ng pamilya, at ng bansa.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Sa huli, pinaalalahanan naman ng Cardinal ang mga marino na sa kabila ng tagumpay na kanilang nakakamit dahil sa masipag na pagtatrabaho, ay huwag kalilimutan ang kanilang pinagmulan at huwag magpapadala sa salapi na nagbibigay kaginhawahan at karangyaan sa mundo.
Aniya, ang karangyaan at kaginhawaan ay maaaring makapagdulot sa tao ng pagkamanhid at kawalang pakialam sa kapwa.
Dahil dito, sinabi ni Cardinal Tagle ang tunay na batayan ng pag-asenso ay ang pagdamay sa kapwa.
“Habang nagsisikap para gumanda ang buhay ng ating pamilya, at ng ating bansa, wag sanang umuwi ito sa pagkalimot sa ating pinagmulan, ang pagkalimot sa mga nangangailangan” pahayag pa ni Cardinal.
Una na ring nanawagan ang Prefect of the Dicastery for Promoting Integral Human Development ng Vatican na si Cardinal Peter Turkson, na mag-alay ng panalangin sa mga seafarers, mga mangingisda at iba pang maritime workers.
Sinabi ni Cardinal Turkson na kinakailangang bigyang pagpapahalaga ang 1.5milyong seafarers sa buong mundo na tumatawid ng karagatan upang maihatid ang 90% ng mga kalakal na ginagamit ng mga tao sa iba’t-ibang bansa.