219 total views
Inaanyayahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na sariwain ang tungkulin at bokasyon na maging mga alagad na misyonero ni Hesus ngayong Oktubre, ang buwan ng misyon.
Inihayag ni Cardinal Tagle na ang buwan ng Oktubre o Missionary month ay paalala sa lahat na ang mga alagad ni Hesus ay isinugo rin para maging saksi ng kanyang mga aral, kamatayan at muling pagkabuhay.
Nanawagan ang Kardinal sa mga mananampalataya na makiisa at sumama sa pagdiriwang ng Pista ng Misyon sa ika-18 ng Oktubre sa Cuneta Astrodome, Pasay city.
“Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya at mga kapanalig, Oktubre na naman at para po sa atin, ang Oktubre ay buwan ng misyon. Missionary month. Ito po’y paalaala sa ating lahat na ang alagad ni Hesus ang kaibigan ni Hesus ay isinusugo rin ni Hesus para maging saksi ng Kan’yang mga aral ng Kan’yang kamatayan at muling pagkabuhay kaya sa puso ng bawat binyagan ay ang pagiging misyonero. Itong buong buwan ng Oktubre ay pagsasariwa ng ating tungkulin at bokasyon, maging mga alagad na misyonero ni Hesus at ng simbahan. At para ipagdiwang po ito magkita kita tayo sa Oktubre 18 Pista ng Misyon ito po ay magaganap sa Cuneta Astrodome mula alas otso ng umaga hanggang alas tres ng hapon halina po mag-register na kayo makipista sa diwa ng misyon”. paanyaya ni Cardinal Tagle
Tampok sa “Usapang Misyon” with Cardinal Tagle ang premyadong aktres na si Cherry Pie Picache at Young Christian power couple na sina Marian Gracia Rivera at Dingdong Dantes o Jose Sixto Raphael Dantes III.
Paglalagumin ng tatlong premyadong aktor at aktres ang “God’s Love and Mercy”.
Ibabahagi ni Cherry Pie ang mapait na karanasan ng pamilya para tanggapin at patawarin ang mga taong nagkasala sa kanila.
Isi-share naman ng mag-asawang Dantes ang kanilang “Young Christian tenets” sa matatag na pagsasama sa pamamagitan ng basbas ng Panginoon.
Ang tema ng Pista ng Misyon 2019 ay #My mission is…What is yours?