31,009 total views
Ito ang naging mensahe ng pagdiriwang para sa ika-10 taon ng Panahon ng Paglikha sa Diyosesis ng Imus.
Sa pagninilay sa banal na misang pinangunahan ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista, ipinaalala nito na ang buong sanilikha ay hindi pag-aari ng tao, dahil Diyos ang tunay na nagmamay-ari ng lahat ng bagay sa mundo.
Aniya, ang mga tao ay katiwala lamang na bahagi ng kabuuan ng daigdig, kaya naman maling lapastanganin at abusuhin ang likas na yaman.
“Mahalaga na ang ating mga pagsisikap simula pa noong 2009 ay lumago at lumaganap sa lahat ng simbahan. Itong mundong ating ginagalawan ay ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Nakakalungkot na sakabila ng ganitong katotohanan inaabuso ng maraming tao ang daigdig, ang kalikasan.” Bahagi ng pagninilay ni Bishop Evangelista.
Hinimok din ni Bishop Evangelista ang mga kabataan na manguna sa panganagalaga at pagpapalaganap ng kaalaman patungkol sa kalikasan.
Sinabi ng Obispo sa mga ito na ang simpleng pagtatapon lamang ng mga plastic na basura sa kalsada ay may malaking epekto na sa kapaligiran.
Dahil dito, pagbabawas ng konsumo o tuluyan nang pagtigil sa paggamit ng plastic ang panawagan ng Obispo sa mga kabataan, na dapat ituro din nila sa kanilang kapwa.
“Hindi natin pwedeng sabihin na hindi ako na aapektuhan sa aking ginagawa sa kapaligiran. Apektado ang mundo sa bawat pagtatapon ng mali. Sa tuwing tayo ay gumagamit ng plastic at iresponsableng itinatapon ang mga plastic sa daluyan ng tubig, apektado ang mga isda, apektado ang karagatan.” Dagdag pa ng Obispo.
Umaasa si Bishop Evangelista, na ang mga kabataan ang susi upang mapag-ibayo pa ang ginagawa ng simbahan na pangangalaga sa kalikasan.
Naniniwala din ang Obispo na sa pamamagitan ng pagtutulong-tulong ng mga mananampalataya, ay masusunod ang kalooban ng Panginoon, at magiging tunay na kabahagi ang tao at ang sanilikha ng iisang katawan ng simbahan.
“Sana mangyari ito para sa lahat sana wag nang abusuhin ng tao ang kalikasan, sana masunod na natin ang kalooban ng Diyos sa araw-araw para maituring N’ya tayong tunay na kaugnay , mga ina, mga kapatid, tunay na bahagi ng kanyang iisang kataawan ng simbahan.” Pahayag ni Bp. Evangelista.
Taong 2009 nang sinimulan ang Season of Creation sa Diocese of Imus, sa pangunguna ng dati nitong Obispo, na ngayon ay Arsobispo ng Maynila, na si Abp, Luis Antonio Cardinal Tagle.
Sa kabila ng pagtatapos ng isang buwang panahon ng paglikha, magpapatuloy pa rin ang mga programa ng simbahan na nangangalaga at nagtatanggol sa Kalikasan.