4,784 total views
Inihayag ng isang opisyal ng Department of Agriculture na malaki ang maitutulong ng mga bagong kagamitang pang-agrikultura sa pagtamo ng sapat na suplay ng pagkain sa bansa.
Ayon kay Milo Delos Reyes, Regional Executive Director ng Department of Agriculture Region 8, mapapabilis ang pagsasaka sa bansa sa tulong ng mga makabagong kagamitan sa pagsasaka.
“It helps, malaki ang portion ng machineries and equipment in attaining food security,” pahayag ni Delos Reyes sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng opisyal na mababawasan ang labor cost sa sektor ng pagsasaka kung gagamit ng makinarya dahil operator lamang ang higit kinakailangan dito.
Sinabi ni delos Reyes na malaki ang matitipid ng mga magsasaka sa paggamit ng mga makinaryang pang-agrikultura at posibleng mas malaki ang kikitain dito dahil agarang natutugunan ang pagtatanim at pag-aani.
“Less labor mas competitive sa international market,” ani ni Delos Reyes.
Sa pag-aaral noon ng Bantay Bigas sa Guimba Nueva Ecija sa lugaar na tinaguriang ‘rice granary’ ng bansa, umaabot sa P62, 000 bawat ektarya ang ginagastos ng mga magsasaka mula sa pagtanim hanggang matapos ang pag-ani ng mga palay.
AGRILINK EXHIBIT
Tampok sa Agrilink sa World Trade Center sa Pasay City ang iba’t ibang equipment at machineries para sa sektor ng agrikultura.
Tema ngayong taon ang “CLIMATE RESILIENT AGRICULTURE: A MUST FOR REGION 8″ kung saan binibigyang pansin ng mga stakeholders ang maging epekto ng nagbabagong panahon sa larangan ng agrikultura at katiyakan sa suplay ng pagkain sa bansa.
Ang Region 8 na binubuo ng 6 na lalawigan ay nangunguna rin sa larangan ng agrikultura kung saan higit sa 600 libong ektaryang lupain ang may iba’t ibang pananim.
2013 nang masalanta ng bagyong Yolanda ang malaking bahagi ng region 8 na ikinasara ng 33 milyong niyog habang umabot naman sa 700 milyong dolyar ang nasira sa sektor ng agrikultura na isang malaking banta sa suplay ng pakain sa buong bansa.
Tiniyak naman ni Delos Reyes na nanatiling matatag ang rehiyon sa anumang banta ng kalamidad katunayan maliit na porsyento lamang ang naapektuhan sa nagdaang El Niño nitong nakalipas na mga buwan.
Itinatampok sa exhibit ang ilang produktong makatutulong sa larangan ng agrikultura sa mga malalaking kompanyang nais makatulong sa mga magsasaka sa bansa.