187 total views
Ipanalangin ang mabuti, marangal at kalugod-lugod sa Panginoon.
Ito ang paalala ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya sa pinangunahang banal na misa sa Our Lady of Fatima Parish, Mandaluyong noong ika-10 ng Oktubre, 2019.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang panalangin ay isang misteryosong pamamaraan ng pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
Sinabi ng Kardinal na kalimitang hinihiling ng mga tao ang personal nilang kagustuhan, kaya inaakala ng marami na hindi ito tinutugunan ng Panginoon.
Ipinaliwanag ng Kardinal na ang bawat panalangin ay sinasagot ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo at alam nito ang higit na makabubuti sa bawat isa.
“Akala natin hindi sumasagot ang Diyos, sumasagot, ang binibigay N’ya Espiritu Santo. Kalimitan yun hinihingi natin akala natin yun ang mabuti pero baka may nakikita ang Diyos na mas ikabubuti natin. Sa pakiramdam natin hindi tayo dinidinig, hindi, dinidinig tayo sa kanyang pamamaraan. At ibinibigay sa atin kung ano ang sa tingin N’ya makabubuti sa atin.” pagninilay ni Cardinal Tagle.
Dahil dito, inihayag ni Cardinal Tagle na marapat laging mabuti, marangal at kalugod-lugod sa Panginoon ang maging panalangin ng mga mananampalataya.
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang pananalangin din ay pamamaraan ng pagbitiw sa pansariling mga kagustuhan ng tao.
Hiniling nito sa mananampalataya na sa pananalangin ay maging katugma ng saloobin ng tao ang kabutihan ng kalooban ng Panginoon.
“Pagtayo’y nananalangin sana magkatugma ang hinahanap ng ating kalooban at hihilingin sa Diyos sa talagang mabuti, marangal, makatarungan, kung ano ang kalugod-lugod sa Diyos. Ang panalangin ay exercise ng pagbitaw, pagtalikod sa mga sarili nating programa, sa mga sarili nating kagustuhan… Let go, at S’ya ang mapangyayari. Puso sa puso at ang puso natin tatalima sa puso ng Diyos. Meron tayong plano in our mind, merong story na gusto natin, pero maybe God has a better story to tell.” Pahayag ni Cardinal Tagle