171 total views
Nagpasalamat ang Department of the Interior and Local Government sa mga lokal na pamahalaan dahil sa pakikiisa sa kampanyang linisin ang mga sidewalk sa buong bansa upang magamit ng mamamayan.
Sa pulong balitaan ng ahensya, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na sa kabila ng mga hamong kinakaharap sa pagpatupad ng Memorandum Circular 2019 – 121 ay malaking porsyento sa mga lokal na pamahalaan sa bansa ang nakiisa sa layunin ng administrasyong Duterte.
“I want to express my happiness for the commitment and active participation by LGUs accross the country towards this campaign,” pahayag ni Año.
Ayon kay Ano, ibinatay sa apat na kategorya ang paghatol sa mga Local Government Units (LGUs) kung nakasusunod ba ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una rito ang high compliance para sa mga malaking bahagdan ang pagbabagong nakikita sa lugar, medium compliance sa mga LGUs na ipinagpatuloy pa ang paglilinis, low compliance naman sa mga LGUs na kung saan sumusunod subalit nangangailangan pa ng malaking pagbabago sa pamamaraan ng pagpatupad sa kautusan at non-compliance o failed sa mga bigong tumugon sa panawagan ng ahensya.
Batay sa ulat ng DILG nasa 1, 245 LGUs sa buong bansa ang tapos na ang pagsusuri ng ahensya kabilang na ang Metro Manila habang patuloy pa ang evaluation sa nalalabing 388 mga lokal na pamahalaan.
Sa Metro Manila naitala ang 13 lungsod ang kabilang sa high compliance ang Marikina, San Juan, Mandaluyong, Caloocan, Malabon, Las Piñas, Pasay, Valenzuela, Makati, Pateros, Parañaque, Navotas; sa medium compliance naman ang Quezon City, Pasig, Manila, at Muntinlupa habang ang Taguig naman ay low compliance.
Sa kabuuang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila 612 mga kalsada ang nalinis mula sa mga nakaharang at muling nadaanan ng mamamayan at sasakyan o katumbas sa 75 porsyento sa kabuuan.
Sinabi pa ng DILG na mahaharap sa kaukulang parusa sa Ombudsman ang mga LGUs na bigong ipatupad ang kautusang ibalik sa tao ang mga sidewalk sa buong Pilipinas.
Ngayong araw na ito nakatakdang ipalabas ang show cause order para sa inisyal na 97 LGU na non-compliance.
Tiniyak din ng kagawaran na ipagpatuloy ang nasimulang clearing operations upang manatiling maluwag at malinis ang mga lansangan habang tututukan din sa susunod ang mga tertiary roads kabilang na ang mga subdivision.
Batay sa pahayag ng Metropolitan Manila Development Auhtority nasa 40 hanggang 60 porsiyento nakatutulong ang road clearing operations na ikinasa ng DILG sa pagpaluwag ng daloy ng trapiko sa Metro Manila lalo na sa mga Mabuhay lanes.
Umaasa naman ang Simbahang Katolika na kasabay ng mga pag-unlad sa bayan ay ang pagsulong ng pamumuhay ng mamamayan nang may paggalang sa karapatan at dignidad lalo na sa mga maliliit na sektor ng lipunan.