247 total views
Pinuri ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang naging desisyon ng Korte Suprema na pahintulutan si Mary Jane Veloso na tumestigo laban sa kaniyang mga recruiter.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng kumisyon, naaangkop ang desisyong ito ng mga hukom sapagkat mahalaga ang magiging testimonya at mga pahayag ni Veloso para sa katotohanan.
Bukod dito, binigyang diin rin ng Obispo na mahalagang maisiwalat ang modus operandi ng mga illegal recruiters at nagaganap na human trafficking sa bansa na bumibiktima ng mga inosenteng mamamayan na nagnanais mapaganda ang buhay ng pamilya.
“Our prayers are heard. Thanks be to God. Our justices have decided for what is just, proper and right. It is triumph of reason and truth. To know fully what really happened, MJ must be given chance to air her story. With this, we will know modus operandi of human trafficking, how she was used, duped and victimized by her recruiters.” pahayag ni Bishop Ruperto Santos sa Radyo Veritas.
Tiwala ang Obispo na malaking bagay ang paninindigan ng Korte Suprema na mabigyan ng patas na pagkakataon si Veloso na maipagtanggol ang kanyang sarili sa harapan ng hukuman sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanya upang magpahayag ng testimonya.
Tiniyak naman ni Bishop Santos ang patuloy na pananalangin hanggang tuluyang makamit ni Mary Jane Veloso ang katarungan, kalayaan at makabalik sa kanyang normal na buhay kasama ang kanyang pamilya bansa.
“We appreciate the sound and fair decision of SC to let MJ give her testimony. And we will continue to pray that MJ will receive justice, will enjoy full liberty and live a normal, humane life.” Dagdag pa ni Balanga Bishop Santos.
Kaugnay nito patuloy ang pagbabantay sa kaso ni Mary Jane Veloso na kasalukuyan pa ring nakakulong sa Indonesia matapos na mahulihan ng 2.6 na kilo ng illegal na droga na nagkakahalaga ng 500,000-dolyar sa Yogyakarta, Indonesia noong 2010.
Taong 2015, bago ang nakatakdang pagbitay sa kanya ay nabigyan si Veloso ng “reprieve” at pansamantalang ipinagpaliban ang kanyang pagbitay upang bigyang daan ang paglilitis sa kasong inihain sa Pilipinas laban sa sinasabing illegal recruiters na sina Maria Christina Sergio at live-in partner nitong si Julius Lacanilao.
Nasasaad sa desisyon ng Korte Suprema ang pagpapahintulot kay Mary Jane Veloso na tumestigo laban kay Sergio at Lacanilao na kapwa nahaharap sa mga kasong human trafficking, illegal recruitment, at estafa sa pamamagitan ng isang deposition mula sa Indonesia.
Ayon sa Kataastaasang Hukuman ang hindi pagpapahintulot kay Veloso na tumestigo ay maituturing na paglabag sa kanyang katapatan at pagkakait ng due process upang makamit ang katarungan kanyang hinahangad.