198 total views
Nanindigan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na ang paghahangad ng katarungan ay hindi ganap na makakamit sa pamamagitan ng pagpapataw ng parusang kamatayan o death penalty sa mga nagkasala.
Ito ang binigyang diin ni Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon – Chairman ng kumisyon sa paggunita ng World Day Against Death Penalty at nakatakdang Prison Awareness Week.
Ipinaliwanag ng Obispo na taliwas ang naturang paraan ng pagpaparusa na tila ngipin sa ngipin, mata sa mata at buhay kapalit rin ng buhay sa ginawang pagliligtas ng Panginoon sa sangkatauhan.
Iginiit ni Bishop Baylon na hindi dapat baliwalain ang biyayang hatid ng ginawang pagliligtas ng Panginoon sa sangkatauhan mula sa kasalanan para maitama ang pagkakamaling nagawa sa buhay.
“Patuloy na pinaninidigan ng Simbahan na hindi pwede ang Death Penalty, hindi yun ang uri ng katarungan, ng hustisya yung ngipin sa ngipin, mata sa mata, yung kung buhay ang inutang mo buhay din ang kabayaran. The Lord himself offer his life for us on the cross para ma-embrace niya yung lahat ng mali at sama na pwedeng gawin ng tao sa mundo at because of that we have been given the opportunity to be redeemed, to what’s rights, to become better person and that is a part of the gift that the Lord has gave to us, hindi natin pwedeng baliwalain yun…” pahayag ni Bishop Baylon sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, kahit na gaano pa kasama ang nagawang pagkakasala ng isang tao ay karapat-dapat na iligtas at bigyang ng pangalawang pagkakataon.
Inihayag ni Bishop Baylon na para sa Panginoon na nagbigay ng buhay ay may katuturan ang buhay ng lahat maging ng mga makasalanan at mga nakagawa ng krimen.
“Kahit anong sitwasyon, ano pang kulay, ano pang uri ng buhay na nakikita natin sa daigdig na ito, gaano man ito kasama gaano man ito karumi, gaano man ito kamali sa tingin ng tao ay mayroon pang kahit na katiting na halaga ang buhay na yan at para sa Diyos karapat-dapat lang na iligtas yan at pagkalooban ng pagkakataong magbago, and that is the situation precisely of our brothers and sisters deprive of liberty sa mga prisoneers…” Dagdag pahayag ni Bishop Baylon.
Isang linggo bago ang Prison Awareness Week ay ginunita naman ang World Day Against Death Penalty kung saan isinagawa ang National Congress Against Death Penalty sa bansa na dinaluhan ng 300 mga delegado mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa Pilipinas, itinakda ng Simbahang Katolika ang huling Linggo ng Oktubre bilang Prison Awareness Sunday upang mahimok ang mga mananampalataya na alalahanin at ipanalangin ang kapakanan at pagbabalik-loob ng mga bilanggo sa buong bansa na bahagi ng 7 corporal works of mercy.
Tema ng Prison Awareness Week ngayong taon ang “Lord, Thank You For Being Merciful To Me, A Sinner” kung saan nakatakda ang paggunita ng 32nd Prison Awareness Sunday sa ika-27 ng Oktubre.