164 total views
Pabor ang pinuno ng Catholic Bishops’ Conference Of The Philippines – Episcopal Commission On Catechesis And Catholic Education sa mungkahing muling suriin ang ipinatupad na K to 12 program ng Department of Education.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, ang chairman ng komisyon, mas mabuti rin ang pagsusuri sa mga kasalukuyang programa upang makita ang mga kakulangan at mapunan ito.
Ito ang tugon ng obispo sa binabalak ng mababang kapulungan ng kongreso na suriin ang k to 12 program upang matukoy ang mga tagumpay at kakulangan ng programa upang higit na maging epektibo ikapakinabangan ng kabataan.
Magugunitang hiniling ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa kongreso ang realignment ng 2020 national budget upang dagdagan ang pondo sa edukasyon para mapaunlad pa ang k to 12 program.
Umaasa naman si Bishop Mallari na ang pagsusuring gagawin ay para mas mapabuti pa ang mga programa at hindi upang alisin o baguhin.
“Sana po ang purpose ng evaluation is to improve whatever is wanting at hindi ibahin na naman ang programa,” pahayag ni Bishop Mallari Sa Radio Veritas.
Batay sa panukala dadagdagan ng mga mambabatas ng 650 milyong piso ang pondong inilaan sa sektor ng edukasyon upang mapag-ibayo pa ang mga program ng k to 12.
Ayon naman kay DepEd Undersecretary Tonisito Umali maaga pa para sabihing epektibo ang implementasyon ng enhanced basic education act partikular na ang employment ng mga nagtapos sa senior high school.
Sa pahayag ng deped bukas naman ito sa pagsusuring gagawin ng mababang kapulungan at nakahandang makipagtulungan para mas matugunan ang mga suliranin sa implementasyon ng nasabing programa.