210 total views
Ikinalungkot ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang pagpanaw ni dating Senate President Aquilino Pimentel dahil sa hindi matatawarang paglilingkod nito sa bayan.
Ayon kay Bishop Bacani, nakapanghihinayang ang pagpanaw ng dating mambabatas na isa sa mga opisyal ng pamahalaang tapat sa tungkulin at tunay na nagmamalasakit sa Pilipinas.
“Sen. Pimentel was one of the fast vanishing breed of politicians in public officials who exemplified honesty and courage in public service,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Kinilala si Pimentel bilang ‘Father of Local Government’ makaraang ipagtanggol ang enactment sa Local Government Code noong 1991 upang palakasin ang mga lokal na pamahalaan na isa sa mga pundasyon sa matatag na demokrasya.
1971 naging bahagi si Pimentel sa Constitutional Convention subalit naipakulong dalawang taon ang nakalipas dahil sa pagiging kritiko ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kasabay ng pagpatupad ng batas militar sa buong bansa.
Itinatag ng namayapang mambabatas ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) noong 1982 at nakipagkaisa sa partido ni dating Senator Benigno Aquino Jr. na Lakas Bayan noong 1986 makaraang lumaya ang bansa mula sa martial law.
Nagluksa rin ang mga opisyal ng Pilipinas sa pagpanaw ni Pimentel sapagkat itinuturing itong tagapaggabay sa kanilang paglilingkod sa mamamayan.
Samantala, umaasa si Bishop Bacani na tularan ng mga lingkod bayan ang mga halimbawa ni Pimentel na buong pusong nagserbisyo sa mga Filipino sa mahabang panahon.
“May his fellow politicians who extol him emulate his selflessness and I condole with his beloved wife and family and pray with them for the eternal rest of Nene Pimentel,” ani ng Obispo.
Nakiramay din ang obispo sa naulilang pamilya at tiniyak ang mga panalangin para sa katatagan nito sa pagpanaw ng kanilang padre de pamilya.