238 total views
Walang malaking pinsalang tinamo ang nasasakupan ng Diocese ng Tagum sa naganap na 6.3 magnitude na lindol sa mindanao.
Ayon kay Tagum Bishop Medel Aseo, bagama’t malakas na naramdaman ang pagyanig ay wala namang labis na napinsalang mga bahay, gusali at mga simbahan.
“Pagabi na kasi yun at malakas. Pero nafeel namin yung tremors na malakas pero wala namang nangyaring masama,” Ang bahagi ng pahayag ni Aseo sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa kabila nito, humiling din ng panalangin ang obispo sa mamamayan para sa kaligtasan ng mga napinsala at ipag-adya mula iba pang uri ng kalamidad.
“Everytime na may mga calamities na ganito, ganun naman talaga ang ginagawa ng Simbahan to pray harder, to pray for everyone,” dagdag pa ni Bishop Aseo.
Una na ring inihayag ni Fr. Vickney Jalico ang kura paroko sa bayan ng Tulunan na patuloy pa rin nilang nararanasan ang mga malalakas na aftershocks na nagdudulot ng takot sa mga residente ng Tulunan, North Cotabato.
Nagpalabas na rin ng panawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mananampalataya na tulungan ang mga biktima ng lindol.
Sa ulat, may higit sa tatlong libong pamilya o katumbas ng 20 libong indibidwal mula sa 76 na barangay sa Region XI at Region XII ang naapektuhan ng malakas na pagyanig.