6,881 total views
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya. Una po sa lahat, magpasalamat at magpuri tayo sa Diyos na Siyang nagtipon sa atin, bilang isang simbahan. Upang sa pagdiriwang ng Eukaristiya, tayo ay mapanibago Niya, mapalakas, bilang tunay na sambayanang kristiyano, nabubuhay sa salita ng Diyos, sa katawan at dugo ni Kristo, at sa ating pagtitipon, bunga ng Espiritu Santo.
At nagpapasalamat po tayo sa Panginoon sa araw na ito sa paglulukolok ng Sto. Niño De Tondo, dito po sa ating Cathedral ng Archdiocese of Manila. Salamat po sa parish, community ng Archdiocesan Shrine ng Sto. Niño De Tondo, sa pamumuno ni Fr. Lito Villegas, salamat po sa pagdadala dito ng ating mahal na imahen, salamat po. (nagpalakpakan ang mga tao)
Sapagkat ang simabahan ng Tondo, palagay ko, 1572 yata, mula noon, nakaluklok na ang Sto. Niño De Tondo. Bago pa nadeklara na Cathedral ang ating simabahan ay may debosyon na sa Sto. Niño De Tondo. Kaya napakaganda na ang kasaysayan ng Archdiocese of Manila, ang kasaysayan ng unang katedral sa Pilipinas, ang Manila Cathedral, ngayon ay yayakapin ang isa sa mga una at pinakamatandang debosyon kay Hesus sa Kanyang taguri bilang banal na bata- Sto. Niño ng Tondo.
Ang atin pong mga pagbasa ay may mga magagandang paalaala tungkol sa ating debosyon, sa batang si Hesus. Kasama na rin ang paalaala ni Hesus na kung hindi tayo magiging tulad ng mga bata, ibig sabihin tulad Niya, hindi tayo mapapabilang sa paghahari ng Diyos. Ang mundo natin ngayon, maraming modelo ng pagiging bata at sasabihin pa nung iba, “bakit asal bata ka? Diba sabi ni Hesus, ‘pag hindi ka naging bata, hindi ka papasok sa paghahari ng Diyos.” E pero ang pamantayan ng pagiging bata, hindi yung mga binibigay ng mundo. Magpapabanat ng.. (bahagyang natawa ang Cardinal)ng ano ba ‘to? ng mukha! Ayan, mukha na akong bata. Magpapakulay ng buhok, iba-ibang kulay, noh? Minsan green, minsan purple, minsan brown. Ayon! Bata na, oho. Magbibihis ng parang teenager, bata na. Pero para sa atin ang pagiging bata ay pagtulad kay Hesus at lalo na po para sa atin, taga Archdiocese of Manila at Sto. Niño De Tondo. Ang pagiging bata sa paghahari ng Diyos ay nangangahulugan, tularan si Hesus. Si Hesus na nanatiling bata, anak, anak ng Ama.
Papa’no maging bata? Alam natin ang buhay ni Hesus. Subalit sa mga pagbasa, may dalawa tayong paalaala.
Una po, sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma, binibigay niyang halimbawa sa atin si Abraham. Si Abraham may edad na at ang kanyang asawa, si Sarah, may edad na rin, hindi sila magkaanak. Pero ipinangako ng Diyos sa kanila, “Abraham, magiging ama ka ng napakaraming bansa, katulad ng mga tala sa langit. Hindi mo mabilang, ganyan karami ang iyong magiging anak.” Kung ako si Abraham, sasagutin ko ang Diyos e, sasabihin ko, “Diyos, salamat ha pero, hindi nga kami maka-isang anak, tapos sasabihin mo, magiging ama ako ng ganyang karami. May edad na ako, may edad na yung asawa ko. Sabi nga nila baog, paanong mangyayari ‘yan?” Mabuti na lang, hindi ako si Abraham, kung hindi, naiba ang kasaysayan. Sabi ni San Pablo, si Abraham, nanalig sa Diyos. Kahit na parang imposible, at parang sasabihin nga natin, sa tahasang salita, ay walang katuturan ang sinabi sa kaniya ng Diyos. Pero nanalig siya, dahil ang nangangako ay ang Diyos. ‘Yan ang pagiging bata.
Maraming bagay, hindi natin lubusang mauunawaan. Ganyan ang birhen Maria, ang daming mensahe sa kanya ng anghel, ng mga pastol, pati yung kanyang anak na nakabayubay sa krus, hindi niya naunawaan lahat, subalit, nanalig sa Diyos. Si Hesus, maraming bagay din bilang tao, hindi Niya maunawaan. Nakabayubay sa krus, ano ang isang panalangin ni Hesus? “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo naman ako pinabayaan?” Dumaan Siya sa matinding lungkot, subalit hindi nawala ang pananalig. Sa bandang huli ang sinabi pa rin niya, “Ama sa iyong mga kamay, ihahabilin ko ang aking sarili.”
‘Yan ang pagiging bata. Nakita natin kay Abraham, nakita natin sa mga dakila na babae at lalaki ng pananampalataya, ang pag-asa ay sa Diyos. Kahit na hindi ko lubusang nauunawaan ang Diyos, sa kanya ako aasa. Ang kabaligtaran niyan ay, ilagay ang pag-asa hindi sa Diyos, kundi sa mga diyos-diyosan. Maraming tao ang pag-asa na at pananalig, sa pera. Kaya hanap nang hanap ng pera. Akala, basta maraming pera, ang buhay mo, ayos na. Yung iba ang hanap, posisyon, basta ako ay may tamang posisyon, ayos na ang buhay ko. Yung iba, basta ang pangalan ko, ang pangalan ko ay tanyag, ako ay pamoso, ayos na ang aking kinabukasan. Kaya, inihahabilin natin ang ating buhay sa pera, sa karangalan, sa ambisyon. Eh kapag ginawa natin ‘yon, tatanda ka. Mamemerwisyo ka. Konsumisyon ‘yan, araw-araw tinitignan mo, “teka magkano na ba ang interes sa bangko?” Hindi ka kasi makapagtiwala sa Diyos, ang tiwala mo sa pera, posisyon, sino diyan ang kalaban ko? Sino diyan ang lalaban sa akin? Sino ang tatakbo? Tatanda ka. Ang pusong bata, may kapayapaan dahil nagpapakumbaba. Hindi siya ang nagko-kontrol sa buhay niya. inihahabilin ang sarili sa Diyos.
Kaya ang debosyon natin sa Sto. Niño, sana, hindi lamang sa pamamagitan ng mga seremonyas, kundi sa pagtulad kay Hesus- anak ni Maria, anak ni Abraham. Sila, nanatiling bata sa mata ng Diyos.
At ang ikalawa po at pagtatapos sa ebanghelyo, sinasabi ni Hesus, na may mga pagkakataon na baka subukin tayo. Tayo ba ay sasaksi pa rin kay Hesus? O itatatwa natin Siya? ‘Pag ikaw ay inuusig na dahil sa iyong pananampalataya kay Hesus. Pangangatawanan mo pa ba na ikaw ay alagad Niya? bahagi ito sa pagiging bata. Sabi ni Hesus, kapag ikaw ay kinaladkad na, iniharap sa tagapamahala ng Sinagoga at mga may kapangyarihan na lilitis sa iyo, huwag kang mabahala. Huwag mong isipin kung papa’no mo ipagtatanggol ang sarili mo. Ang Espiritu Santo ang magtuturo sa iyo.
Mga kapatid napakahirap nito, ‘no ho? Diba ‘pag kayo ay i-tsinitsismis, ang gusto mo agad eh sugurin yung gumagawa ng usap laban sa iyo. Gusto mong sugurin, gusto mong ingudngod sa lupa, gusto mong putulan ng dila. Ipagtatanggol mo ang sarili mo. Ang hirap nitong turo ni Hesus, ano ho? Pero bahagi ito sa pagiging bata. Sino ang magtatanggol sa iyo? Ang sarili mo o ang Espiritu Santo? Hayyy (bahagyang natawa ang Cardinal) Tayo diba ho? Parang ang ating instinct, ang tulak sa atin, “ako ang magtatanggol sa sarili ko at karangalan ko.” “At kung may kilala ako na may koneksyon, aba, gagamitin ko ang mga koneksyon ko, ipagtanggol ko lamang ang sarili ko.” Pero sa ebanghelyo ang pagiging bata- huwag kang mabahala. Ang Espiritu Santo ang magtuturo sa iyo. Sumaksi ka, nahihirapan ka, magtiwala ka, manatili kang bata kahit sa gitna ng pag-uusig. Nakita natin ‘yan kay Hesus, pati si Pilato, nagkamot na ng ulo. Ang dami niyang tanong, sabi ni Pilato, “hindi ka ba magsasalita? Sumagot ka, puwede kitang palayain.” Sinasabi ni Pilato, umasa ka sa akin. Ang kalayaan mo nasa akin. Ang katahimikan ni Hesus ay pagiging bata. At sa ikatlong araw, binuhay Siyang muli ng Ama na Kanyang pinagkatiwalaan.
Sa pagharap natin sa maraming pagsubok, mananatili kaya ang ating pagiging bata? Year of the youth, puwede bang malaman sino sa inyo yung totoo lang ha, yung tunay na kabataan? Pakitaas ang kamay ho. ‘Yan, ‘yon.. may mga natutukso oh, parang gusto (bahagyang natawa ang Cardinal) oh mga kabataan ha, sana lagi kayong matuto sa pagiging bata, hindi sa mga sinasabi ng advertising, mga sinasabi ng mundo. Tularan ang batang si Hesus. Ang kanyang tiwala, pananalig sa ama, na hindi natitinag kahit na may pagsubok sa buhay.
Mga kapatid sa parokya at Archdiocesan Shrine ng Sto. Niño De Tondo, napakagandang bahagi ng kasaysayan ng ating parokya ng shrine ang pagiging missionary. Misyonero. Ang parokya ng Tondo dati ay may misyon, sa Calumpit, sakop ‘yan ng Tondo, ng parokya ng Tondo. Nagmimisyon ang parokya ng Tondo hanggang Calumpit. Pati Hagonoy yata. Tapos, nadagdagan pa ‘yan, hanggang Pampanga, Betis. Sumunod ang Malabon, bahagi ng kasaysayan ng Sto. Niño De Tondo ang pagiging misyonero. Hindi lamang para sa amin ang aming pananampalataya. Ang pananampalataya kay Hesus, ibinabahagi. Bagamat, ang Bulacan ay may sarili na ring diyosesis, ang Malabon ay bahagi na rin ng ibang diyosesis, huwag sanang mawala ang espiritu, ang diwa ang misyon na nasa ugat ng parokya ng Sto. Niño De Tondo.
Magmisyon sa pamilya, mag-misyon sa mga kabataan, mag-misyon sa mga pamilyang nagkakawatak-watak. Mag-misyon sa mga kabataan na natutukso at naliligaw ng landas. Magmisyon. Dalhin si Hesus. Huwag nating sayangin ang napakaganda na pundasyon ng ating parokya.
Tayo po’y tumahimik sandali, at tanggapin muli ang biyaya ng araw na ito. At hilingin nating masundan natin si Hesus sa kanyang pagiging bata.