251 total views
Inihayag ng Department of Agriculture na umabot sa halos isang bilyong piso ang nalugi kada buwan sa hog industry bunsod ng African Swine Fever (ASF).
Subalit sa monitoring ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa buong Pilipinas malaki na ang pinsala ng ASF sa mga nag-aalaga ng baboy partikular na ang mga backyard farmers.
“More or less for two – month time 15 – billion pesos,” pahayag ni Rosendo So, pangulo ng SINAG sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni So na kabilang rito ang pagbaba ng presyo ng buhay na baboy na binibili ng mga negosyante.
Kaugnay nito nanawagan ang Laban Konsyumer Inc sa pamahalaan na magpatupad ng suggested retail price (srp) sa mga produktong mula sa karne ng baboy sapagkat sa kabila ng pagbaba ng farmgate price nanatiling mataas ang presyo ng karne sa mga pamilihan.
Sa pag-aaral ng L-K-I nasa pagitan ng 100 hanggang 110 piso ang farmgate price ng buhay na baboy o halos 26 na piso ang ibinaba ng presyo subalit nanatili sa halos 250 piso ang kilo ng karne sa mga pamilihan.
Nauna nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang concerned government agencies na gumawa ng mga hakbang na mapigilan ang paglaganap ng ASF sa bansa upang maprotektahan ang higit sa 60 porsyentong backyard hog raisers sa Pilipinas.
Naitala ang Pilipinas na ikasampu sa pinakamalaking pork consumer sa mundo habang ikapito naman sa pinakamalaking pork importer.
Nasasaad sa Kawikaan kabanata 27 talata 23 na ang mga alagang hayop ay babantayan tulad ng mabuting pag-aalaga sa kawan ng Panginoon.