275 total views
Ipinaalala ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang isang mahalagang tungkulin ng mga Katoliko’t Kristyano na patuloy na isinusulong ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista, chairman ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs, ang pagdalaw sa mga nasa bilangguan ay bahagi ng 7 Corporal Works of Mercy o Gawa ng Awa ng mga mananampalataya bilang tagapaghatid ng awa ng Diyos.
Ipinaliwanag ng Obispo na bahagi ng gawain ng pagmamahal at pagkalinga sa kapwa na itinuturo ng Simbahan ang pagbisita at pag-aruga sa mga bilanggo sa kabila ng nagawang kasalan at krimen sa lipunan.
“Ito’y bahagi ng kawanggawa na hinihingi sa atin, kasama ito sa mga corporal works of mercy na itinuro mismo at patuloy na itinuturo sa atin ng ating pananampalataya ng Simbahan to visit the imprison, kagaya din ng iba pang mga gawain pagmamahal at pagkalinga sa iba…” pahayag ni Bishop Evangelista sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Obispo na mahalagang bigyan ng pagkalinga ang mga bilanggo na kaawa-awa at walang dignidad ang kalagayan sa loob ng mga bilangguan.
“Napakahalaga na ating mabigyang pansin at pagkalinga, pagmamahal ang mga preso na nasa piitan, lalo sa ating bansa ay talagang kaawa-awa ang kalagayan ng mga nasa mga piitan, nasa preso dahil congested ang maraming jail at napakahalaga na sila ay ating makalinga at mabigyan ng tulong, kung ano mang paraan na ating maabot sila sa iba’t-ibang paraan…” Dagdag pahayag ni Bishop Evangelista.
Buwan ng Hunyo 2019 ng lumabas sa isinagawang pagsusuri ng Commission on Audit na nanatili ang hindi makataong sitwasyon sa mga bilangguan sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kung saan naitala ang 439.48-percent ang congestion rate.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang bilangguan ay dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas at nararapat na maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.
Kaugnay nga nito, layunin ng taunang paggunita ng Prison Awareness Week na pukawin ang damdamin ng mamamayan na bigyang pansin ang kalagayan ng mga bilanggo sa buong bansa.
Tema ng Prison Awareness Week ngayong taon ang “Lord, Thank You For Being Merciful To Me, A Sinner” kung saan nakatakda ang paggunita ng 32nd Prison Awareness Sunday sa ika-27 ng Oktubre.