181 total views
Nasa ligtas na kalagayan na si Fr. Marvin Mejia, ang Secretary General ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines makaraang maaksidente sa Cairo Egypt habang nagsagawa ng pilgrimage.
Batay sa mensahe ni Fr. Jan Limchua ng nunciature sa Cairo kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang Vice President ng CBCP, nakalabas na ng ospital at kasalukuyang nagpapahinga si Fr. Mejia sa tinutuluyang hotel.
Nabatid mula sa pamunuan ng CBCP na kasama sa pilgrimage ang pari sa Holy Land at Egypt nang maaksidente ang sinakyang bus sa Mt. Sinai.
“Hello po bishop (David). I spoke with Fr Marvin thrice today. He is now fine and out of danger, he’s discharged and resting at a hotel,” mensahe ni Fr. Limchua kay Bishop David.
Ayon naman kay Department of Foreign Affairs Assistant Secretary Eduardo Muñez, kasama si Fr. Mejia sa 23 kataong nasugatan sa nasabing aksidente malapit sa St. Catherine Monastery sa Sinai Egypt.
Agad namang nagpaabot ng tulong ang embahada ng Pilipinas at maging ang komunidad ng mga Overseas Filipino Workers sa Cairo sa mga biktima nang dalhin ito sa Sharm-el-Sheik hospital.
“Maybe also good to mention that the Philippine embassy in Cairo is Monitoring closely the situation. They sent personnel from the embassy and also our Filipino ofws in Sharm also assisted them in their needs,” ani ni Limchua.
Nakipag-ugnayan na rin ang travel agency ng grupo sa counterpart nito sa Maynila upang magpaabot ng tulong sa mga pilgrim na naaksidente sa Holy Land.