207 total views
Muling niyanig ng 6.6 magnitude na lindol ang Mindanao.
Ayon sa ulat ng PHIVOLCS naramdaman ang pagyanig alas-9:04 ng umaga na ang sentro ay sa Norht east ng Tulunan, North Cotabato na may lalim na 8 kilometers.
Naramdaman ang lindol sa intensity 7 sa Kidapawan City hanggang sa Camiguin sa intensity 1.
Tiniyak naman ng Phivolcs na walang banta ng Tsunami bagama’t asahan na ang tuloy-tuloy na mga aftershocks.
“Wala pong threat ng Tsunami ang event na ito. Dahil sa lakas niya na 6.6 asahan na rin po na tuloy-tuloy ang aftershocks na mangyayari within doon sa area, inaadvise po na ang mga kababayan natin na maging alerto,” ayon kay Laura Gianan, science research assistant ng Phivolcs.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, nanatili sa labas ng kanilang mga bahay ang mga residente ng Kidapawan at Tulunan dahil sa malakas na lindol.
Dagdag pa ng obispo, tatlong aftershocks din ang naitala mula kasunod ng pagyanig kung saan base sa paunang ulat ilang mga gusali at mga simbahan ang naapektuhan ng panibagong pagyanig.
“Nagkaroon ng malakas na lindol dito sa Kidapawan. Mas malakas ito sa lindol nung nakaraang Oct. 16 ng gabi… Ito napakalakas kasi dito sa bahay namin at paligid namin maraming natumba at maraming na-damage. Magkasabay yung dalawa, may up and down at side ways (movement) at saka may naririnig na sound sa ilalim ng lupa. So mga around 9:10 or a little bit past 9 o’clock, at napakalakas. So nandito kami ngayon sa labas, waiting at meron na namang aftershocks,” ayon kay Bishop Bagaforo ang in-coming chairman ng CBCP-NASSA.
Dagdag pa ng obispo, wala na ring klase sa Kidapawan habang nakakaranas din ng brown out sa lungsod dahil sa lindol.
Nanawagan din ng panalangin si Bishop Bagaforo sa mananamapalataya lalu’t noong nakalipas na linggo ay una na ring niyanig ang bayan ng Tulunan ng 6.6 magnitude na lindol at ang sunod-sunod na malalakas na aftershocks.
Isa ang San Isidro Labrador Parish ng Tulunan at ang Our Lady Mediatrix of All Grace Cathedral o Kidapawan Cathedral sa mga parokya at kapilya na napinsala sa nagdaang lindol.
Read: Aftershocks, patuloy na nararanasan sa Tulunan, North Cotabato
Patuloy na panalangin para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao, panawagan ng Obispo
Sa ulat, may higit sa tatlong libong pamilya o katumbas ng 20 libong indibidwal mula sa 76 na barangay sa Region XI at Region XII ang naapektuhan ng malakas na pagyanig.