203 total views
Nanindigan ang isang Mindanao Bishop na magiging maganda ang pagbabago sa bansa kung magkasamang magta-trabaho o maging “one working team” ang Presidente at pangalawang Pangulo ng Pilipinas.
Ayon kay Malaybalay Bishop Jose Cabantan, ang pamumuno sa bansa ay maitutulad sa isang pamilya na iisa ang puso at kaisipan upang maitaguyod ang kabutihan ng lahat.
Inihayag ng Obispo na magkaiba man ng partidong pinagmulan si President Rodrigo Duterte at Vice-President Leni Robredo ngayon ang panahon na lubos na kailangan ang pagkakaisa at magkasamang magtrabaho upang umusad ang ating bansa.
Naniniwala si Bishop Cabantan na maisusulong lamang ang “inclusive human development” kung magtatrabaho na nagkakaisa at walang kompetensiya sa pagitan ng pangulong Duterte at Vice-President Robredo.
“Bilang pangulo at pangalawang pangulo ay katulad din sila sa family, they need to be One heart and One mind, or the need for Unity, for the country to move towards our vision and goal for integral, inclusive human development,”paglilinaw ni Bishop Cabantan sa Radio Veritas.
Isa sa kakaharapin ng bagong administrasyon ang problema ng kahirapan sa bansa kung saan sa datos ng Asian Development Bank, ang Pilipinas ay kasama sa pitong pinakamahihirap na bansa sa buong Southeast Asian Nation o ASEAN.
Sinasabi ng Transparency International na ang Pilipinas ay nasa ika-73 puwesto sa mga pinaka-corrupt na bansa o may pinakamataas na corruption perception index.