164 total views
Malaki ang inaasahang pagbabago ng mga Obispo sa magiging pamamalakad ng Department of Environment and Natural Resources ngayong pormal nang nanumpa sa katungkulan bilang kalihim si Regina Lopez ang dating Chairperson ng ABS-CBN Bantay Kalikasan Foundation.
Ayon kay Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo, kilalang-kilala si Lopez sa kanyang pagmamahal sa kalikasan at sa mahihirap na naaapektuhan ng pagkasira nito.
Dahil dito, umaasa si Bishop Arigo na mananatiling matibay sa kanyang adhikain si Lopez at hindi ito magpadala sa sistema ng kurapsyon.
“I am very hopeful na knowing Gina, talagang she will see to it na kung if ever may mga mining pa rin, it will be done responsively and not at the extent of our people. Kaya very promising itong pagkaka-appoint kay Gina at very welcome yan lalo na para sa amin,” pahayag ni Bishop Arigo sa Radyo Veritas.
Samantala, nagpahayag rin ng pagsuporta si Archdiocese of Lipa Archbishop Ramon Arguelles sa bagong kalihim.
Umaasa itong magiging matatag si Lopez sa kabila ng malalaking hamon na kahaharapin nito dahil sa pagtataguyod ng kalikasan.
Kaya naman ayon kay Abp. Arguelles, ipagdarasal nitong magpatuloy ang mabuting adhikain ni Lopez para sa kalikasan.
“[I am] praying for [the] success of Gina’s advocacy for the environment,” dagdag ni Abp. Arguelles.
Samantala, matapos ang pormal na pagtatalaga kay Lopez, nagpaabot rin ito ng pasasalamat sa mga obispong sumusuporta sa kanya at nangakong gagamiting gabay ang Laudato Si sa kanyang pamumuno sa DENR.
Sa kasalukuyan patuloy na sinusuri ng ahensya ang mga mining permits na inilabas ng Aquino Administration sa karagdagang mining operations.
Kasabay nito, nagsasagawa rin ng assessment ang DENR sa 47 operasyon ng minahan sa bansa.