183 total views
Hinikayat ni Father Maximo Lapaz, Jr. Parish Priest ng Sto. Niño Parish ng Makilala, North Cotabato ang kapwa niya naapektuhan ng lindol na magtulungan.
Aminado ang pari na dumaraan sila ngayon sa isang mahirap na pag-subok at tanging ang isa’t-isa ang kanilang masasandalan.
“Lagi kong sinasabi sa kanila na lahat tayo apektado dito, lahat tayo biktima kaya sabi ko magtulungan tayo.”pahayag ni Father Lapaz sa Radyo Veritas.
Pinuri naman ng pari ang mga naglilingkod sa kanilang parokya na sa kabila ng personal na paghihirap na nararanasan ay nagagawa pa ring tumulong sa kanilang kapwa na biktima ng lindol.
Hinahangaan ng Pari ang spirit of volunteerism partikular na sa mga miyembro ng Basic Ecclesial Community, at ang Parish Pastoral Council ng kanilang parokya.
“Organisado yung parokya kasi meron kaming B.E.C., P.P.C. meron kaming mga leaders, kaya in terms of system, kahit na merong trahedya, kahit na mga biktima yung mga leaders natin, yung mga nasa parokya, nakahanda sila, kapag ipatawag mo may sense of volunteerism, handa sila.” Dagdag pa ni Father Lapaz.
Ayon kay Father Lapaz, sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakababalik ang maraming mamamayan sa kanilang tahanan.
Tumutuloy naman ang pari sa isang maliit na kuwarto sa tabi ng kanilang lumang kumbento na napinsala din ng lindol.
Patuloy naman ang kanilang pagdaraos ng mga banal na misa sa isang covered court, subalit kapansin-pansin ang mababang bilang ng mga dumadalo sa misa dahil pa rin sa takot sa mga aftershock.
Ang bayan ng Makilala sa North Cotabato ang pinaka matinding naapektuhan ng magkakasunod na lindol sa Mindanao.
Ayon sa ulat ng pamahalaan umaabot sa 20,704 pamilya, na katumbas ng 103,520 indibidwal na nagmula sa 38 barangays sa Makilala ang bilang ng mga apektadong mamamayan.