197 total views
Babangon ang mga taga-Cotabato sa kabila ng pinsala ng lindol.
Ito ang inihayag ni Father Hipolito Paracha, vicar general ng Diocese ng Kidapawan sa kabila ng malawak na pinsalang iniwan ng sunod-sunod na lindol lalu na sa Makilala, Kidapawan at Tulunan.
“While the magnitude of the damage brought about by the earthquake is very heartbreaking, but the intensity of the kindness and charity of the people is very heartwarming and inspiring,” ayon kay Fr. Paracha.
Ayon kay Fr. Paracha, bagama’t halos lahat ay nasira ng mga pagyanig ay higit din ang pasasalamat ng mga taga-North Cotabato sa malakasakit ng sambayanang Filipino lalu na sa oras ng pangangailangan.
“Yes kaya ang sabi ko nga lumalabas ang pusong Pinoy natin matatag tayo. We can rise up from these bad events,” dagdag pa ng pari.
Tiniyak naman ng pari na halos lahat ay naabutan na ng tulong subalit higit pa rin ang pangangailangan ng mga biktima dahil hindi pa tiyak kung hanggang kailan sila mananatili sa mga evacuation centers.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pamamahagi ng diocese ng mga kinakailangan ng mga biktima sa tulong na rin ng 70 mga youth volunteers habang patuloy din ang pagdating ng tulong mula sa simbahan, pamahalaan at iba’t ibang institusyon.
Nauna nang tumugon at nagpadala ng 1-milyong pisong cash ang Caritas Manila at Quiapo Church sa Diocese of Kidapawan para sa mga nasalanta ng lindol.
Read: 1M piso, ipinadalang tulong ng Caritas Manila at Quiapo church sa Mindanao quake victims
Bukod sa mga gusali at tahanan, limang simbahan din na nasasakop ng Kidapawan diocese ang nasira ng magkakasunod na malalakas na lindol.