214 total views
Pangungunahan ng Diocese of Malolos ang pagdaraos ng ika-anim na taon ng Regional Vocation Festival ng Ecclesiastical Province of Manila.
Ito ang taunang pagsasama-sama ng siyam na diyosesis sa ilalim ng Ecclesiastical Province of Manila na naglalayong bigyang pansin ang pagpapayabong sa bokasyon ng mga kabataan.
“Makakatulong yung araw na yon para makapag discern sila may mga makakausap silang mga madre, pari, para matanong nila yung mga gusto nilang itanong. Kasi kapag nakikita ng mga kabataan natin yung mga seminarians, mga madre, mga pari na i-inspire sila.” Pahayag sa Radyo Veritas ni Fr. Alvin Pila – Vocation Promoter ng Diocese of Malolos.
Tema sa pagtitipon ngayon taon ang “Buhay Kabanalan, Bokasyon ng Bawat Kabataan.”
Mas pinasaya ang pagdiriwang ayon kay Father Pila dahil sa gagawing pagtatanghal ng mga Diyosesis tampok ang sikat na kapistahan sa kanilang lugar.
Bukod dito, magkakaroon din ng mga panayam at pagbabahaginan na makatutulong ng malaki sa bokasyong nais tahakin ng mga kabataan.
Mayroong mga pari at madre na handang makipag-usap sa bawat kabataan na nangangailangan ng kanilang paggabay.
Gaganapin ang Vocation Festival sa ika-9 ng Nobyembre araw ng Sabado sa Victory Coliseum, San Rafael Municipal Complex, San Rafael, Bulacan.
Ang mga nagnanais dumalo ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang Diocesan Vocation Director para sa pre-registration. Sa kasalukuyan mahigit na sa 1,500 mga youth delegates ang una nang nagpatala. Ang siyam na diyosesis sa ilalim ng Ecclesiastical Province of Manila ay binubuo ng Dioceses of Antipolo, Pasig, Cubao, Novaliches, Parañaque, Caloocan, Imus, Malolos, at San Pablo.