180 total views
Nangangamba si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa posibleng pagkakasakit ng mga evacuees.
Ito ang inihayag ng Obispo sa kaniyang pagbisita sa mga pangunahing evacuation centers sa Makilala, Bulacanon at Malasila.
Ayon sa Obispo, hindi bababa sa 500 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga itinalagang evacuation centers matapos masira ng lindol ang kanilang mga tahanan.
“Napakarami lamang sa mga evacuation centers. Sa katunayan hindi bumababa yung mga government sponsored na recognized evacuation centers ng mga 500 families. Pangalawa, Magiging problema ang sanitation kasi kulang ang mga palikuran natin. At ang ikatlo, dapat meron ding identified na mga coocking areas ang mga evacuees,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Bagama’t nagpapalasamat ang Obispo sa mabilis na pagtugon ng lokal na pamahalaan sa mga pangangailangan ng mga biktima ay problema din sa mga evacuation centers ang kalinisan, lalu’t kulang ang mga palikuran.
Iminungkahi naman ng Obispo ang pagkakaroon ng hiwalay na lugar para sa pagluluto para maiwasan ang posibleng pagkakaroon ng sunog.
“Dahil flammable ang kanilang mga tent at trapal,” dagdag pa ng obispo.
REHABILITASYON NG MGA NASIRANG BAHAY
Patuloy pa rin ang panawagan ng dasal at tulong ng Obispo para sa mga nagsilikas na residente kabilang na dito ang pagkain at tubig.
Dagdag pa nito ang pangangailan ng solar powered flashlights lalu’t walang kuryente sa bawat tent o kubo na kanilang pansamantalang tinutuluyan.
Umaapela na rin ang Obispo ng tulong sa publiko para makalikom ng pondo para sa isasagawang rehabilitasyon ng mga nasirang bahay.
“Kung maari ay sa pamamagitan ng mga diyosesis natin ay makapagpadala tayo ng pang-long term… kailangan natin ng pondo para matulungan natin sila na marelocate,” ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Sa tala, may higit sa 30 libong pamilyang pamilya ang naapektuhan ng malakas na pagyanig sa Region XI at Region XII.