221 total views
Hinimok ng opisyal ng Caritas Manila ang mamamayan na lingapin ang kapwa na higit nangangailangan sa pamayanan.
Ayon kay Reverend Father Anton Pascual, Executive Director ng social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila, dapat isabuhay ng bawat isa ang tunay na kahulugan ng Pasko sa pag-agapay sa mamamayan tulad ng pagkaloob ni Hesus ng sarili para sa lahat.
“Huwag nating kalimutan ang diwa ng pasko ang pagbibigayan sapagkat ‘yan ay mensahe ni Hesukristo na naghandog para sa katubusan ng sanlibutan,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ito ang pahayag ng Pari kaugnay sa paglunsad ng Light the World campaign ng The Church of Jesus Christ, Latter Day Saints (LDS) kung saan isa ang Caritas Manila sa tatlong institusyong napili na maging benepisyaryo.
Bukod tanging Pilipinas lang ang bansa sa Asya na napagkalooban ng Light the World vending machine mula sa sampung machine na ipinakakalat sa buong mundo na karamihan ay nasa Estados Unidos.
Sa mga vending machine maaring mamili ang mamamayan ng charity na patutunguhan ng kanilang pagtulong partikular ang mga kagamitan na kinakailangan.
Dahil dito labis ang pasasalamat ni Fr. Pascual sa The Church of Jesus Christ, Latter Day Saints sa walang pag-alinlangang tumulong sa mga programa na tumutugon sa pangangailangan ng mga Filipino lalo na ang mga kapus-palad.
Binigyang diin naman ni Caritas Damayan priest-in-charge Reverend Father Ricardo Valencia na walang limitasyon at dapat nagkakaisa ang mamamayan sa paglingap sa kapwa.
“With regards to the need of our people, we are one,” ayon kay Fr. Valencia.
Aniya, dapat isinasantabi ang pagkakaiba ng pananaw at pananampalataya sa pagkakawanggawa sa mga dukha sa lipunan.
Itinuturing naman ni Area President Elder Evan Schmutz na ‘valuable’ ang ugnayan ng Simbahang Katolika at ng LDS sa mga adbokasiyang pagtulong sa kapwa.
Matatagpuan ang Light the World vending machines sa level 4 Cinema 1 ng Trinoma Mall sa Quezon City mula ikawalo ng Nobyembre hanggang ika – 31 ng Disyembre.
Noong nakalipas na taon higit sa 800, 000 piso ang nalikom sa vending machine kung saan halos 400, 000 dito ang napunta sa Caritas Manila na itinustos sa Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) na may halos 5, 000 scholar sa kolehiyo at TechVoc sa buong bansa.
Nauna nang hinimok ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle ang mamamayan na suportahan ang Light the World vending machines at magbigay liwanag sa buhay ng bawat dukha sa pamayanan.