157 total views
Walong barangay sa bayan ng Makilala, North Cotabato ang hindi na maaring muling pagtayuan ng mga bahay.
Ito ang inihayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo makaraan ang malalakas na lindol na naganap sa Cotabato simula noong Oktubre.
“Nawa ay buksan ang ating puso at isip sa pangangailangan ng ating mga kapatid anuman ang kanilang pananampalataya, anuman ang kanilang tribo. Tayo po ay handang tumulong para sa kanila,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Ayon sa Obispo, sa nakalipas na 72 oras ay hindi na nakaranas ng lindol at aftershocks ang Cotabato na maari na ring hudyat sa pagsisimula ng rehabilitasyon sa mga nasirang gusali at mga tahahan.
“Sa susunod na mga linggo ang pinakamahirap ang rehabilation ng ating mga kapatid, sapagkat mayroong 8 barangays ng Makilala town na hindi na maaring balikan no ‘build zone’ na,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Habang pinag-aaralan na rin ang ang paglilipat ng may 20 libong residente lalu’t hindi maaring tirahan ang kanilang lugar dahil na rin sa pinsalang dulot ng pagyanig at posible pang panganib sa mga susunod na panahon.
DAMAY KAPANALIG MINDANAO TELETHON
Sampung milyong piso ang target na malikom ng Caritas Manila bilang tulong para sa mamamayan ng Mindanao na naapektuhan ng sunod-sunod na malalakas na lindol.
Ito ang inihayag ni Fr. Anton CT Pascual executive director ng Caritas Manila kasabay na rin ng isinagawang Damay Kapanalig Mindanao Telethon sa Radyo Veritas.
“Kaya nga mahalagang magtulong-tulong ang mga communities hindi lang ang gobyerno, makatulong din ang mga faith based communities at NGO,” ayon kay Fr. Pascual.
Ayon sa pari, kinakailangan ng pagtutulungan ng bawat isa para makalikom ng pondo at makatulong sa nararanasan ng mga apektadong pamilya lalu na sa Kidapawan, Makilala at Tulunan.
Tiniyak naman ni Fr. Pascual ang pakikipag-ugnayan sa basic ecclesial community sa Mindanao upang matiyak na mabibigyan ng tulong ang lahat lalu na ang mga nanatili sa kanilang mga kaanak, simbahan at maliliit na pamayanan.
Bukod sa pagkain, damit, gamot at tubig pangunahin pa ring pangangailangan ng may 27 libong pamilya sa Cotabato ang mga flashlights, gamit pangluto, mga tent at hygiene items.
PERMANENT RELOCATION SITE
Sa hiwalay na panayam ng Radyo Veritas kay Lenard Legarda, project officer ng Makilala North Cotabato, aabot sa tatlong libong residente ang kailangan ng ilipat dahil hindi na ligtas ang kanilang komunidad dahil sa malalaking bitak ng lupa dulot ng pagyanig.
Ayon sa Phivolcs, dalawang malalaking fault line ang matatagpuan sa lugar kabilang na ang Makilala fault line at Malungon-Makilala fault line.
Dagdag pa ni Legarda, kinakailangan ng lokal na pamahalaan ng 40 ektarya para sa permanent relocation site para sa mga na-dislocate na pamilya.
“Sa estimate ko tatakbo siya ng 34 to 40 hectares ang kinakailangan namin sa relocation site. May initial na kami ngayong nakikita mga 10 ektarya so within the week baka ma-comply namin ang 40 hectares,” ayon kay Legarda.
Paliwanag ni Legarda, aabot sa 70 residente ang maaring tumira sa isang ektarya na lupa –na maaring maipatupad sa loob ng isang taon.