221 total views
Matapos ang pagyanig sa Mindanao, hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang publiko na yanigin din ng pagkakaisa at tulong ang mga nasalanta ng lindol sa Mindanao.
Ayon kay Kardinal Tagle, nawa ang bawat tulong ng mamamayan ay maging inspirasyon at magbibigay ng lakas ng loob sa mga residente sa kanilang pagbangon mula sa trahedya.
“Ngayon pong nagsisimula na ang reconstruction, hindi lamang ng mga gusali, bahay, paaralan, kundi ng buhay, ng mga pangarap ang ating pong mga ambag ay magiging pampalakas ng loob ng ating mga kababayan sa Digos, Kidapawan sa mga lugar na naapektuhan,” ayon kay Cardinal Tagle
Umaasa si Cardinal Tagle na mamamayani ang pagtutulungan ng bawat Filipino sa panibagong hamon na kinakaharap ng sambayanan na dulot ng nagdaang lindol.
“Ang pagdadamayan at pagtutulungan ay malaking pwersa para yanigin din ang mga puso ng tao para itayo ang buhay muli. Kaya tayo ay nanawagan sa ating mga kapanalig,” ayon kay Cardinal Tagle.
Bukod sa panawagan ng tulong, ipinagdarasal din ni Cardinal Tagle na nawa ay pukawin ang puso ng mga Filipino sa pagtulong sa kapwa at ibsan ang pagdurusa ng mga nasalanta.
Panalangin din ni Cardinal Tagle na tuluyan nang mahinto ang mga pagyanig habang nagsisimula na rin ang reconstruction at pagpapanauli ng normal na buhay ng mga residente.
EMERGENCY APPEAL
Naghahanda na ang Caritas Philippines sa isasagawang emergency appeal sa Caritas Internationalis para sa isasagawang rehabilitation sa mga nasalanta ng magkakasunod na malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Fr. Edu Gariguez ng Caritas Philippines-ito ang tinututukan ng simbahan hindi lamang sa relief operations, kundi ang pang-matagalan pagtulong sa pagbangon ng mga residente lalu na sa North Cotabato.
“Gumagawa po tayo ng emergency appeal tapos ilalagay na natin ang mga pangangailangan. Tinatapos na po ito, maipapadala na po namin ito at ipapadala bukas sa lahat ng miyembro ng Caritas sa iba’t ibang panig ng mundo at yun po ang susuportahan nila sa bahagi ng tulong pinansyal kung wala sila dito sa Pilipinas,” ayon kay Fr. Gariguez.
Si Cardinal Tagle ay ang kasalukuyang pangulo ng Caritas Internationalis na ang tanggapan ay nakabase sa Roma na binubuo ng higit sa 160 miyembro sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Bukod sa pagpapanauli ng mga bahay, kabilang din sa hihinging tulong ang psycho social at livelihood support para sa kanilang muling pagbangon sa pinsalang dulot ng sakuna.
Sa pinakahuling ulat, tinatayang aabot sa 30 libong pamilya ang higit na naapektuhan ng lindol kabilang na dito ang may limang barangay sa Makilala na kailangang i-relocate makaraang ideklarang no build zone ang kanilang lugar dahil na rin sa mga fault lines.