213 total views
Hinamon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity ang mga mananampalataya na huwag lamang basta tulungan ang mga mahihirap kungdi makiisa sa mga ito.
Ito ay kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Dukha sa ika-16 ng Nobyembre.
Nilinaw ng Obisp na ito ay panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco upang kalingain, makiisa at bigyang halaga ang mga dukha.
“Magkakaroon po tayo ng World Day of the Poor sa November 16, that’s our celebration, at yan po ay panawagan ni Papa Francisco na upang tayo ay sama-samang bigyan ng halaga ang mga mahihirap so hindi lang po yan tulong sa mga mahihirap kundi pakikiisa sa kanila. Huwag nating kakalimutan ang mga mahihirap na maging bahagi sila ng ating buhay at maiparamdam natin sa kanila ang ating pagkalinga.” paalala ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Idinagdag ng Obispo na labis na kinakailangan din ngayon ang pagbubukas ng puso sa mga nagiging dukha dahil sa mga kalamidad.
Aniya, ang paglindol sa Mindanao at ang hagupit ng bagyo sa Cagayan ay mga hindi inaasahang pangyayari na nagdudulot ng pahirap sa mga Filipino.
Dahil dito, mahalagang matulungan ang mga nangangailangan sa kanilang ispiritwal at pisikal na mga pangangailangan.
“Ibig sabihin nyan lumalawak ang ating pananaw sa mga mahihirap. Ngayon maraming mahihirap o nagiging mahirap ay dahil sa mga kalamidad kaya sana buksan din natin ang ating mga puso sa kanila na makatulong tayo, sa materyal na pangangailangan at sa ispiritwal na pangangailangan.” Dagdag pa ng Obispo.
Matatandaang noong Oktubre, sunod-sunod na lindol ang naganap sa Mindanao at matapos ito ay sinalanta naman ng bagyong Quiel ang Cagayan.
Kaugnay nito patuloy na nananawagan ang simbahang katolika partikular ang Caritas Manila para sa mga karagdagang tulong na maaaring ipaabot sa mga nasalanta ng mga kalamidad.
Samantala, gugunitain naman ang World Day of the Poor sa ika-16 ng Nobyembre.
Pamumunuan ng Archdiocese of Manila Commission on Social Services ang pagtitipon at pangungunahan naman ni Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa San Andres Sports Complex, San Andres, Maynila.
Ang tema sa World Day of the Poor ngayong 2019 ay hango sa Awit 9:19 na “The hope of the poor will not perish forever.”
Ang World Day of the Poor ay ipinagdiriwang tuwing ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon sa Kalendaryo ng Simbahan, alinsunod sa panawagan ng Santo Papa na pagbibigay pansin at pagkalinga sa mga higit na nangangailangan.