195 total views
Bawat isa ay maaring makatulong sa mga mahihirap at nangangailangan.
Ito ang nilinaw ni Msgr. Jose Clemente Ignacio-Vicar General at Moderator Curiae ng Archdiocese of Manila kaugnay sa paggunita ng ‘Pandaigdigang Araw ng mga Mahihirap.
Paliwanag ni Msgr. Ignacio, bukod sa tulong pinansyal maaring ibahagi sa kapwa ang sariling kakayahan at talino na biyayang kaloob ng Panginoon.
Mahalaga rin ayon kay Msgr. Ignacio ang tulong at paggabay pang-espiritwal upang matulungan ang kapwa na mas higit pang malapit sa Panginoon.
“Lahat tayo ay may maibibigay at kung ano man ang pwede nating maibigay maging materyal man o espiritwal o anumang talino na pwede nating ibahagi sa kapwa, ibahagi natin, ang Diyos pinagkalooban tayo ng napakalaking dignidad ng bawat isa sa atin at dahil dito maari tayong magbahagi ng mga biyaya ng Panginoon,” bahagi ng pahayag ni Msgr. Ignacio sa panayam sa Radyo Veritas.
Ayon naman kay Order of Malta Philippines President Dr. Leopoldo H. Lasatin bukod sa pananalangin ng pasasalamat para sa biyaya ng Panginoon ay aktibo rin ang lay-religious organization sa pagtulong sa mga nangangailangan sa lipunan.
Giit ni Lasatin, mahalagang magkaisa ang lahat upang sama-samang umangat at umunlad ang pamumuhay na siyang hinahangad ng Diyos para sa kanyang mga anak.
“Dapat lahat tayo magsama-sama para umangat lahat hindi lang isang grupo o yung sarili lang pero lahat lahat tayo kailangan umangat para sa Diyos,” dagdag pa ni Dr. Lasatin.
Nilinaw naman ni Fr. Aris Sison–Magestral Chaplian ng Order of Malta Philippines na ang pagtulong sa kapwa ay maari ring gawin sa pamamagitan ng simpleng paraan tulad ng pagbabahagi ng sariling panahon bilang volunteer sa mga parokya at mga gawain sa Simbahan.
“Hindi lahat may salapi na kayang ibahagi pero kung wala mang salapi may panahon tayo so pwede tayong mag-volunteer sa ating mga parokya, pwede tayong yung kahit sa simpleng paraan lang,” ayon kay Fr. Sison.
Pinangunahan ni Msgr. Ignacio ang misa para sa paggunita ng Order of Malta Philippines ng World Day of the Poor kung saan nagsagawa ng medical mission at nagkaloob ng maagang pamasko ang nasabing Lay-Religious Organization sa may 100-pamilya bilang tugon sa panawagan ni Pope Francis na pagbibigay pansin at pagtulong sa mga mahihirap.
Ang World Day of the Poor ay ipinagdiriwang tuwing ika-33 Linggo sa karaniwang panahon sa kalendaryo ng Simbahan, alin sunod sa panawagan ng Santo Papa na pagbibigay pansin at pagkalinga sa mga higit na nangangailangan.