190 total views
Hinimok ng Arsobispo ng Bangkok ang Filipinong komunidad sa Thailand na makiisa sa gawain sa pagdalaw ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Cardinal Francis-Xavier Kriengsak Kovithanij ang pagbisita ng Santo Papa ay pagpapakita ng dakilang pag-ibig ng Diyos at pakikiisa sangkatauhan.
Aniya, mahalaga para sa bawat Katoliko ng Thailand ang pagdalaw ni Pope Francis sapagkat sa kabila ng pagiging minoryang relihiyon sa nasabing bansa ay binibigyan ito ng panahon ng pinunong pastol ng Simbahang Katolika na makasalamuha ang mamamayan.
Sa tala, tinatayang may 20 libong OFW ang nagtatrabaho at naninirahan sa Thailand.
“The pope’s visit is to present Jesus’ love to us, to build universal fraternity, and to integrate peace in every part of the world,” mensahe ni Cardinal Kriengsak sa Radio Veritas.
Sinabi pa ng Kardinal na patunay din itong nasa puso ng Santo Papa ang mga mahihirap at mananampalatayang nangangailangan ng kalingang espiritwal dahil ang kanyang pagdalaw ay isa sa mga hakbang sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa buong mundo.
Binigyang diin ng Kardinal na bagamat wala pang isang porsiyento o katumbas sa halos 390, 000 lamang ang mga katoliko sa kabuuang populasyon ng Thailand ay mapayapa ang lugar, nanabik ang mananampalataya sa pagdating ng Santo Papa.
Bukod sa paghahanda ng mga katoliko sa bansa inaanyayahan din ng Catholic Bishops’ Conference of Thailand ang Federation of Asian Bishops’ Conference (FABC) upang makipagkaisa sa pagdalaw ng Santo Papa kung saan inaasahan ang pagdalo ng nasa 80 mga obispo sa Asya.
Ito rin aniya ang pagkakataon ni Pope Francis na mabigyang ng paggabay ang mga obispo sa Asya para makapagbalangkas ng mga hakbang sa pagkamit ng kapayapaan sa kani-kanilang mga bansa.
“This is the opportunity for Pope Francis to talk to Thai society and Asian society–or, at least, Southeast Asian society–in order for him to give us guidelines that we can apply to our lives, to help build peace and fraternity in our Asian society,” ani ng Kardinal.
Paanyaya ni Cardinal Kriengsak maging sa mga Overseas Filipino Worker na dumalo sa banal na misang pangungunahan ni Pope Francis sa National Stadium sa Bangkok sa ika -21 ng Nobyembre kung saan inaasahan ang higit 20, 000 mananampalataya ang dadalo.
Nakatakda ang ika-32 ng Apostolic trip ni Pope Francis sa Thailand sa ika-20 hanggang 23 ng Nobyembre habang 23 hanggang 26 sa Japan.