192 total views
Nagbabala ang Diocese of Kalookan sa pekeng facebook account na gumagamit ng larawan at pangalan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Sa facebook Post ng Roman Catholic Diocese of Kalookan, inihayag nitong nagpapadala ng mensahe sa facebook ang account na mayroong mukha at pangalan ni Bishop David upang manghingi ng donasyon.
Idinahilan ng pekeng account na si Bishop David ay nasa Cebu at nais nitong bilhin ang isang tabernakulo upang ipalit sa lumang ginagamit sa Obispado ng Kalookan.
Ayon pa sa pekeng FB account, kailangan ng P50,000 halaga upang mabili niya ito, at kailangan mabili hanggang sa Huwebes dahil babalik na siya ng Diocese of Kalookan sa Biyernes ika-22 ng Nobyembre.
Nagpadala pa ng larawan ng sinasabing tabernakulo ang pekeng account upang mapaniwala ang pinadadalhan nito ng mensahe.
Nag-post din ng paalala si Bishop David sa kanyang tunay na Facebook account na huwag pansinin at huwag magpaloko sa nagpapadala ng mensahe at nanghihingi ng donasyon.
Nilinaw ng obispo na wala siya sa Cebu at hindi siya nang hihingi ng donasyon upang bumili ng mamahaling tabernakulo.
“FAKE ACCOUNT, BEWARE. Friends have been texting me to confirm if I was in Cebu and if I was really raising funds for the purchase of a tabernacle there. Please ignore those messages. I am not in Cebu and I am not raising funds to buy an expensive tabernacle. Somebody created a fake FB account using my photo and has been sending private messages to my friends using that account. Please don’t get swindled by that impostor.” Pahayag ni Bishop David sa kan’yang Facebook post.
Matatandaang nagkaroon din ng ganitong insidente ng panghihingi ng donasyon na ginamit naman ang e-mail ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Pinaaalalahanan ang mga mananampalataya na mag-ingat at maging mapanuri upang hindi mabiktima ng ganitong panloloko.
Mga litrato mula sa post ni Bishop David: