205 total views
Nakahanda ang iba’t-ibang social action arm ng Simbahang Katolika sa pananalasa ng bagyong Tisoy na inaasahang maglalandfall sa Bicol region ngayong gabi o bukas ng umaga.
Ayon kay Legazpi, Albay Social Action Director Fr. Rex Paul Arjona, kasalukuyan ng nakataas ang Tisoy emergency operation sa kanilang lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
“We were on Typhoon Tisoy Emergency Ops mode na po,” ayon kay Fr. Arjona.
Sa Libmanan, nagsisimula na ang pag-ulan ganundin ang paglikas ng ilang residente upang hindi na abutan pa ng malalakas na hangin at pag-ulan.
sa ulat ni Fr. Nong Castañeda ng Libmanan, higit na sa 800 pamilya o 2,000 indibidwal ang nagsilikas at kasalukuyang nasa iba’t-ibang evacuation centers.
Nagsasagawa na ng pre-emptive evacuation ang Social Action Center ng Diocese ng Virac, bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng bagyong tisoy.
Ayon sa Social Action Center ng Virac, may 1,991 pamilya o katumbas ng limang libong indibidwal ang lumikas na mula sa pitong munisipalidad.
Karamihan sa mga lumikas ay nakatira mula sa baybayin, landslide at flood prone areas.
“Most evacuees are coming from the coastal super hazard and landslide flooding areas,” ayon sa ulat ng SAC Virac sa Radio Veritas.
Habang sa Banton island sa Romblon ay nararamdaman na ang malalakas na ulan at hangin.
Ayon kay Fr. Ric Magro, ilang mga kapilya na ang nagkakanlong ng mga nagsilikas na residente.
Nanawagan na rin si Fr. Magro ng karagdagang relief goods para sa mga nagsilikas lalu’t hindi sasapat ang nakahandang relief goods na para sa 300 pamilya.
“We are requesting Relief sana sa Caritas Manila and Satt Phone load sa NASSA dahil hindi gumagana ang sattphone ko. May naka-preposition kami na relief dito sa Romblon, Romblon pero good for 300 Families pa lamang based on my monitoring sa magiging epekto ng bagyo we can have a relief operations by Wednesday,” ayon kay Fr. Magro.
Unang naglabas ng oration imperata ang Archdiocese ng Caceres at Diocese ng Legazpi para sa kaligtasan ng mamamayan mula sa bagyo.
Ang bagyong Kammuri na may local name na Tisoy ay inaasahang mananalasa sa bahagi ng Southern at Central luzon kabilang na ang Metro Manila.
Base sa paggalaw ng bagyo, tinutumbok nito ang Bicol region na una na ring sinalanta ng bagyong Durian noong 2006 at Rammasun noong 2014 ng nagdulot ng malaking pinsala sa rehiyon.