276 total views
Ilan pang obispo ng simbahang katolika ang nagpahayag ng kanilang panalangin para sa kaligtasan ng bansa.
Ito ay kasunod na pananalasa ng bagyong Tisoy lalu na sa malaking bahagi ng Luzon at ilang lugar sa Visayas.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez nawa sa kabila ng malakas na bagyo ay hindi naman ito magdulot ng matinding pinsala sa mga residente ng apektadong lugar.
“Kami po ay nananalangin na bigyan po sila ng pag-asa at matatag na pananampalataya sa gitna po ng kanilang paghihirap ngayon ay nananatili pong matatag at dahan-dahan na makabawi muli sa destruction na nagawa ng Typhoon,” panalangin ni Bishop Varquez.
Ipinapanalangin naman ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico na nawa ay mailayo sa kapahamakan ang mamamayan at walang masawi mula sa kalamidad.
“Ipinapanalangin po namin na sana’y sa kabila ng dumadaan na bagyo ay iligtas mo kami sa lahat ng kapahamakan lalo’t higit yung mga ang tahanan ay hindi matitibay at nawa’y hangga’t maaari ay walang masalanta at walang mamamatay sa sakuna,” ayon kay Bishop Famadico.
Hiling naman ni Gumaca Bishop Victor Ocampo sa mga hindi nasalanta ng bagyo na magpa-abot ng tulong sa mga nangangailangan.
“Ang mga pagsubok na ito ay aming tinitingnan bilang pagiging handa, pagiging mulat sayong pagdating sa panahon ng Adbiyento, alam naming inaasahan ang inyong pagbalik ay abutan kami na may mabuting gawa upang kami ay mapabilang sa iyong mga pinagpala,” panalangin naman ni Bishop Ocampo.
Bago pa man mag-landfall, nagsagawa na ng pre-emptive evacuation ang mga social action centers ng simbahan sa Bicol region at mga kalapit na lalawigan.
Bukod sa paghahanda sa mga isasagawang relief operations nagbukas din ang mga simbahan para sa mga residenteng lumikas dahil sa malalakas na hangin at pagtaas ng tubig.
Batay sa monitoring ng Pagasa Weather Forecasting Center, posibleng sa araw Huwebes lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Tisoy.
Ayon pa sa Pagasa, may isa hanggang dalawang bagyo pa ang inaasahang papasok sa bansa bago magtapos ang taong 2019.