488 total views
Umaasa si Sorsogon Bishop-elect Jose Alan Dialogo na nawa ay hindi panghinaan ng loob ang mamamayan sa kabila ng pananalasa ng bagyong Tisoy sa malaking bahagi ng luzon.
Nagpaabot din ng panalangin ang obispo para sa kaligtasan ng lahat matapos na tatlong beses na mag-landfall ang bagyo sa Sorsogon, Burias at Marinduque at manalasa sa ilan pang kalapit na lugar.
Idinulog din ng obispo sa panalangin na gabayan at huwag pabayaan ang mamamayan sa kanilang pagbangon mula sa pananalasa ng bagyo.
“Kami po ay dumudulog sa inyong pag-aaruga at pagkalinga lalong-lalo na sa nararanasan naming paghihirap ngayon. Bigyan N’yo po kami ng mas malalim pang pananampalataya at pananalig sa Iyo na s’yang magdadala sa amin ng mas matatag na pag-asa sa gitna ng aming kahirapan. Huwag N’yo po kaming pabayaan sa aming pagsisikap na makabangon muli,” bahagi ng panalangin ni Bishop Dialogo sa panayam ng Radyo Veritas.
Ipinanalangin din ng obispo na nawa ay magpadala ang Diyos ng mga taong instrumento upang matulungan ang mga labis na nangangailangan.
“Ipadala N’yo sa amin ang mga taong tutulong sa aming mga kinakailangan sa ngayon. Bigyan N’yo din sila ng nararapat na biyaya upang maging mga instrumento ng inyong pag-aruga at pagkalinga sa amin,” dagdag pa ng obispo.
Unang tumama ang mata ng bagyong Tisoy sa lalawigan ng Sorsogon alas-11 Lunes ng gabi.
Ayon sa United States Joint Typhoon Warning Center ang bagyong Tisoy na may international name na Kammuri na maituturing na category 4 Monster Hurricane.