2,465 total views
Patuloy ang monitoring ng mga Diyosesis sa iba’t-ibang lalawigan sa kalagayan ng kanilang mga nasasakupan matapos ang pananalasa ng bagyong Tisoy.
Ayon kay Fr. Rex Arjona, Social Action Director ng Diocese of Legazpi, sinisimulan na nito ang pag-iikot sa mga lugar na labis na naapektuhan ng bagyong Tisoy upang matukoy ang tulong na maaaring maiabot ng simbahan.
“The worst is over for us at so far, sa Legazpi City muna kasi wala pa kaming natatanggap na reports sa iba, konti palang… Ngayong umaga nagtingin-tingin na tapos let’s see, tignan namin, iikot kami as much as we can and then tomorrow, we will ba able to get more substantial na assessment.” bahagi ng pahayag ni Fr. Arjona sa Radyo Veritas.
Isa naman ang Apostolic Vicariate of San Jose Mindoro sa mga labis na naapektuhan matapos dumaan dito ang mata ng bagyo.
Ayon kay Father Silvino Enriquez, Social Communications Minister, hindi na makapag-broadcast ang kanilang Radio Station na DZVT Spirit FM, matapos mabali ang kanilang antena.
Bukod dito ay blackout din sa buong lalawigan.
“Wala blackout lahat, ang isang nangyari yun pong aming Radio Station DZVT Spirit FM, yung antenna nya ay nabali at nagbuhol-buhol yung kable kaya hindi na kami nakapag broadcast.” Pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Maaga namang nanawagan ng tulong si Fr. Toni Ryan Del Moro, Chancellor ng Diocese of Gumaca dahil nasalanta rin ang mga pananim sa kanilang lalawigan.
Ayon sa Pari, hindi lamang para sa mga katoliko ang tulong na gagawin kun’di sa bawat mamamayan na apektado magkakaiba man ang paniniwala.
“Maghanda na din po tayo ng maaari nating itulong… Sa ngayon po magpapasko ay malamang ganito po yung kahaharapin ng aming mga kasamahan sa iba’t-iba pong mga basic ecclesial communities at sa ngayon po ay katuwang po namin sa pag-a-assess ng sitwasyon para magkaroon po kami ng tamang paraan ng pagtulong sa aming mga kasama hindi lang po simbahang katolika kung hindi kasama rin po yung iba naming mga kapatid natin sa ibang paniniwala na parte po ng ipinagdiriwang ng taon ngayon, kasama po sa programa namin yan” Pahayag ni Father Del Moro sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ni Father Efren Basco, Social Action Director ng Diocese of Malolos ang kahandaan ng simbahan, at nakikipagugnayan din ito sa pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.
“Kahapon pa lang pinaghanda na kami ng aming Obispo Dennis Villarojo upang nang sa ganun maihanda yung mga kakailanganin kung sa kaling may mga pamayanan kami na masasalanta nitong bagyo… Nananatili na din kaming nakaugnay sa aming provincial [PDRRMO] kung ano din yung mga kaganapan din sa ibang lugar para makasuporta yung diocese.” Pahayag ni Father Basco sa Radyo Veritas.
Apat na beses naglandfall ang bagyong Tisoy sa iba’t-ibang mga lalawigan sa Pilipinas na nag-iwan ng malawak na pinsala.
Ito na ang 20 bagyong pumasok sa bansa ngayong 2019, at itinuturing naman itong Category 4 Hurricane ng United States Joint Typhoon Warning Center.