536 total views
Umapela si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mamamayan ng Bohol na makiisa sa programang nakatuon sa pagsasaayos ng mga basura at maiwasan ang maruming kapaligiran.
Ayon sa obispo dapat makipagtulungan ang pamayanan sa pagkakaroon ng malinis na kapaligiran para na rin sa kapakinabangan ng publiko.
“I would like to make an appeal to everyone na tulungan natin ang ating mga local officials sa pagsasaayos ng mga basura sa wastong basurahan,” pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Ang panawagan ni Bishop Uy ay kaugnay sa suliranin sa basura na kinakaharap ng lokal na pamahalaan ng Tagbilaran nang pansamantalang ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Tagbilaran open dump site noong Nobyembre dahil sa paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act of 2002.
Hamon ni Bishop Uy sa mamamayan na maging responsable sa mga basurang nalilikha at matutuhan ang wastong pagtatapon at ‘segration’ upang maihiwalay ang nabubulok sa hindi nabubulok at ang maituturing na ‘hazardous’.
“Matag usa kanato adunay mahimo, una ang gitawag nato ug self discipline [Bawat isa sa atin may magagawa, una ang tinatawag natin na self discipline],” ani ni Bishop Uy.
Paliwanag ni Bishop Uy, bawat bagay na kaloob ng Panginoon ay nangangailangan ng disiplina sa paggamit at iwasan ang pagiging konsumerismo na isa rin sa dahilan sa pagdami ng mga basura sa paligid.
Apela ng obispo na huwag basta-basta itapon sa paligid ang mga basura upang hindi makalilikha ng maruming kalikasan na makakaapekto sa hanging nilalanghap ng mamamayan.
“Kung ang atong basura dili mapahiluna [Kung hindi naisaayos ang ating mga basura] it can cause damage to our environment, ang atong hangin manimaho unya mahugaw [mabaho na ang hanging ating malalanghap at dudumi ang paligid],” saad pa ng obispo.
Panawagan din ng pinuno ng diyosesis ng Tagbilaran sa mga lokal na opisyal na bigyang tuon ang paglutas sa usapin ng basura na una nang naipasara noong 2017 ang 2.6 na ektaryang dump site dahil sa kaparehong dahilan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng pagtugon.
Naniniwala si Bishop Uy sa kakayahan ng mga namumuno sa pamahalaang lokal ng Bohol na sapat ang kanilang kaalaman sa paggawa ng mga hakbang maisaayos ang lugar na pagtatapunan ng basura para na rin sa kalusugan ng mga residente at sa ikagaganda ng kalikasan.
Sa panawagan ni Pope Francis sa ensklikal na Laudatu Si iginiit nitong nararapat na pangalagaan ng tao ang biyaya ng kalikasang ipinagkaloob ng Panginoon sa sanlibutan kaya’t hamon ni Bishop Uy sa bawat indbidwal na bigyang pahalaga ito bilang pasasalamat sa Diyos.
“This is one way of showing our love and respect for God; take good care of His creation and also to take good care of our fellow men.”