349 total views
Mahalagang ganap na mabuksan ang kamalayan ng mga Filipino sa usapin at konsepto ng Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous People’s na panibagong paksa sa paghahanda ng Simbahang Katolika para sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman, CBCP – Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa pagsisimula ng Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples kasabay ng pagsisimula ng panibagong liturhikal na taon.
Ipinaliwanag ng Obispo na mahalagang mabuksan ang kamalayan ng bawat isa sa konseptong ito na magdudulot ng mas maunlad at mapayapang kinabukasan.
“Kailangan natin na alamin pa itong mga issue na ito, kakaiba ito kasi marami sa ating mga church people ay hindi masyadong familiar tungkol sa ecumenism, tungkol sa interreligious dialogue at wala naman masyado tayong kaalaman tungkol sa indigenous peoples lalong lalo na yung pamamaraan ng dialogue.Mahalaga na maintindihan yung topic, sana makita ng lahat ang kahalagahan ng mga ito…”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Umaasa naman ang Obispo na hindi magtatapos ang ugnayan ng Simbahan at ng mga kabataan sa pagtatapos ng Year of the Youth.
Nanindigan si Bishop Pabillo na hindi dapat magtapos ang diwa ng paglilingkod at pagtugon ng mga kabataan sa kanilang misyon.
“Sana naman hindi ibig sabihin na natapos ang Year of the Youth na natapos ang engagement natin sa mga kabataan o natapos yung engagement ng mga kabataan. Sana sa Year of the Youth mas nabuhayan ang mga kabataan sa kanilang engagement sa Simbahan at sa lipunan…”dagdag pahayag ni Bishop Pabillo.
Sa pagtatapos ng Year of the Youth o Taon ng mga Kabataan ay idineklara naman ng Catholic Conference of the Philippines (CBCP) ang taong 2020 bilang Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples bilang patuloy na paghahanda ng Simbahang Katolika sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas.
Ang Year of Ecumenism na may temang “Dialogue Towards Harmony” ay naglalayong maisulong ang pagkakapatiran sa pamamagitan ng pagsusulong ng kultura ng pakikipag-ugnayan tungo sa kapayapaan.