190 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na pabanalin ang sarili sa bahay dalanginan at pabanalin din ang gusali ng simbahan.
Ayon kay Cardinal Tagle, napapabanal din ang mga simbahan sa pagpunta at pananalangin ng mga mananampalataya.
Tiniyak din ng Kardinal na ang panalangin ng mga mananampalataya ang siyang nagpapabanal sa gusali dahil ang mga tao ang bumubuo sa templo ng simbahan.
“Kapag laging may banal na bayan na pumupunta dito, tumatangis dito, umiiyak, umaasa, nag papabinyag, nagpapakasal, nag papakumpil, na ngungununyon, nagbabalik loob, at sa katapusan ay dito rin tatanggapin ang dangal ng pagkalibing bilang anak ng Diyos, ang bawat bahagi ng simbahang ito ay lalong nagiging banal.” pagninilay ni Cardinal Tagle.
Hinamon din nito ang mga mananampalataya na sa paglabas sa simbahan ay dalhin ang templo ng Panginoon saan man sila magpunta.
“Bilang buhay na gusali ni Kristo dala natin ang pagiging templo sa bahay, barangay, eskwela, palengke, trabaho, traffic, lahat yan dala natin ang buhay na gusali ng Diyos at iisa lang ang punadasyon si Kristo.” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Noong ika-5 ng Disyembre, pinangunahan ng Arsobispo ang pagtatalaga sa simbahan ng Most Holy Trinity Parish, sa Balic-balic, Sampaloc, Maynila.
Kaisa ni Cardinal Tagle sa pagtatalaga ng dambana ng Panginoon ang mga Obispong sina, Military Ordinariate Bishop Oscar Florencio, Infanta Bp. Bernardito Cortez, San Pablo Bp Buenaventura Famadico, Urdaneta Bp. Jacinto Jose, Gumaca Bp. Victor Ocampo, Bangued Bp. Leopoldo Jaucian, Tarlac Bp. Enrique Macaraeg, at Cubao Bp. Honesto Ongtioco.
Ang Church Dedication ay isang liturgical rite kung saan itinatalaga ang simbahan o ang dambana bilang lugar dalanginan at lugar ng pagsamaba sa Panginoon.
Itinuturing itong isa sa mga pinaka sagradong liturgical services ng simbahan at marapat lamang na ang isang gusali na binuo upang maging lugar dalanginan ay maitalaga sa Panginoon.
Taong 1890, nagsimula ang simbahan ng Most Holy Trinity sa isang funeral Chapel, matapos itong masira sa digmaan, muling inayos at nagkaroon ng banal na misa sa kauna-unahang pagkakataon noong taong 1925.
1932 naman nang pormal na binasbasan ang simbahan at tinawag na Iglesia de Santissima Trinidad.