172 total views
Nagpahayag ng pagbati at kagalakan si dating Philippine Ambassador to the Holy See Henrietta de Villa sa pagkakatalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bilang bagong pinuno o Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples.
Ayon kay De Villa, bagamat nakalulungkot na iiwan ni Cardinal Tagle ang Pilipinas upang gampanan ang tungkulin sa Vatican ay isa naman itong paalala na ang buong Simbahang Katolika ay bahagi ng iisang Universal Church na may iisang misyon na isulong at palaganapin ang Mabuting Balita ng Panginoon sa sangkatauhan.
Itinuturing ni De Villa na isang karangalan para sa mga Filipinong mananampalataya ang pamumuno ng isang Filipinong Cardinal sa isa sa mga pangunahing kongregasyon o Roman Curia ng Vatican.
“Very very happy ako about the appointment it’s a very good appointment, although as a said we will miss Cardinal Chito very much, of course nalulungkot ako kasi mawawala na siya dito and we need him, we need him here but then we also have to be we have to recognize that we are part of the Universal Church and we are very happy and proud that we can contribute such a great man of the church with talent, magaling ang mind, magaling ang puso for the service of the Universal Church kaya I’m praying for him…” pahayag ni de Villa sa panayam sa Radyo Veritas.
Tiniyak ni De Villa na sa taglay na katalinuhan, pambihirang kakayahan at mabuting puso ni Cardinal Tagle ay naaangkop lamang sa kanya ang naturang posisyon upang ganap na mapangasiwaan ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo.
“Somehow I have an inkling that soon he will be called, na tatawagin siya ni Pope Francis to the Vatican because he has been given very many tasks that is involving the Universal Church at saka he also the type of a church leader of what the church needs today…” Dagdag pa ni de Villa.
Bukod sa bagong posisyon bilang Prefect of the Propaganda Fide, si Cardinal Tagle rin ang kasalukuyang Pangulo ng Caritas International at Catholic Biblical Foundation.
Inihayag rin ni De Villa na siya ring Pangulo ng Mother Butler Guild ang pag-aalay ng panalangin ng grupo hindi lamang para sa tagumpay ng panibagong misyon ni Cardinal Tagle, kay Pope Francis at sa Inang Simbahan kundi maging para sa Arkidiyosesis ng Maynila upang mabigyan ng isang mabuting pastol.
“Binalita ko na sa lahat ng Mother Butlers namin na ipagdasal si Cardinal Tagle, ipagdasal din ang Manila Archdiocese na mabigyan din ng isang mabuting pastol at saka ipagdasal din ang ating Holy Mother Church, ipagdasal din si Pope Francis…”pahayag de Villa.
Nakatakdang magsimula ang panibagong misyon ni Cardinal Tagle sa Vatican sa taong 2020 kung saan siya ang hahalili kay Cardinal Fernando Filoni na itinalaga naman ni Pope Francis bilang bagong grand master of the Order of the Holy Sepulcher.
Kabilang ang Congregation for the Evangelization of Peoples sa siyam na mga sangay o kongregasyon ng Vatican na nangangasiwa sa iba’t ibang misyon at adbokasiya ng Simbahan na nakabase ang tanggapan sa Roma.
Dahil dito sa pagtugon ni Cardinal Tagle sa kanyang bagong posisyon ay kakailanganin niyang lisanin ang kanyang tungkuling bilang Arsobispo ng Maynila.