411 total views
Ito ang paalala ni Malolos Bishop Dennis Villarojo sa mga mananampalataya, sa ordinasyon ng tatlong pari sa Diyosesis ng Malolos, ika-10 ng Disyembre sa Minor Basilica of the Immaculate Conception – Malolos Cathedral.
Ayon sa Obispo, ang mga pari ay totoong tao at hindi mga poon na kailangang alagaan, bihisan, lagyan ng mga pabango, palamuti, bulaklak at kandila.
Sinabi ni Bishop Villarojo na ang pari ay mga tao na nagkakatawang Hesus sa pamamagitan ng pagtulad sa Panginoon sa lahat ng aspeto kasama na ang pagyakap sa mga paghihirap at pagdurusa ni Hesus.
“Ito ay hindi mga poon, yan ay totoong tao kaya wag po ninyong bihisan at lagyan ng palamuti at lagyan ng bulaklak at kandila. Pinapadaloy nila ang biyaya ng Panginoon sa pamamagitan ng kanilang pagkawangis sa Panginoong Hesukristo. Kung ang Panginoong Hesukristo ay Diyos na nagkatawang tao, ang mga paring ito ay mga tao na nagkatawang Hesus.” Bahagi ng pagninilay ni Bishop Villarojo.
Una nang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na labis niyang ikinalulungkot kapag nakakikita ng mga pari at mga relihiyoso na mayroong marangyang pamumuhay, at magagarang mga sasakyan.
Pinaalalahanan din naman ni Bishop Villarojo ang tatlong bagong ordinang pari na sina Fr. Laurence Anthony Bautista, Fr. Howard John Tarrayo at Fr Roel Aldwin Valmadrid, na palalimin ang pagmamahal sa Panginoon, at manatiling mga binata na handang mag-alay ng kanilang sarili sa Diyos at sa paglilingkod sa sangkatauhan.
Sa tala, mayroon nang mahigit sa 200 ang mga pari ng Diocese of Malolos habang nasa mahigit 3milyon naman ang dami ng mga mananampalatayang katoliko sa diyosesis.