191 total views
Pagiging malapit sa mahihirap at matapat na lingkod ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang mahalagang legacy o pamana at aral na maiiwan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ito ang ibinahagi ni Former Philippine Ambassador to the Holy See Henrietta de Villa kaugnay sa pagharap ni Cardinal Tagle sa kanyang panibagong misyon sa Vatican matapos italaga ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang bagong pinuno o Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples.
Inihayag ni De Villa na ang pagiging malapit sa mga mahihirap na nakikita sa simpleng pamumuhay ng Kardinal ay mahalagang matutunan at maging huwaran ng bawat isa.
“Para sa akin ang legacy niya yung inilapit niya ang puso ng mga Filipino sa mga mahihirap at saka siya yung simple lifestyle. Ang reflects of his heart ay laging yung mahihirap ang kanyang inuuna and magandang matutunan din yun ng mga Filipino na laging makibahagi…”pahayag ni de Villa sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag rin ni De Villa na maraming pamamaraan ang mga Filipino para makapagpahayag ng suporta sa bagong misyon ni Cardinal Tagle bilang kasapi ng Roman Curia.
Ayon kay De Villa, bukod sa pagpapahayag ng suporta gamit ang Social Media ay maari ding mag-alay ng panalangin at banal na misa ang bawat parokya sa tagumpay ng bagong misyon ng Kardinal sa Roma.
“Maraming pamamaraan, Social Media can be use lalo na yung mga kabataan very active sila, they can use Social Media to express their gladness, to express their gratitude to God, their gratitude to the Pope about this appointment of Cardinal Tagle. Sa mga parokya naman they can organize masses, iba yung pabaunan natin siya ng dasal at saka yung pag-alay ng misa para maging reservoir of prays ni Cardinal Tagle papunta sa kanyang new post…” dagdag pahayag ni de Villa.
Matatandaang kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Immaculada Concepcion noong ika-8 ng Disyembre ay inanunsyo ng Vatican ang pagtatalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco kay Cardinal Tagle bilang Prefect of the Propaganda Fide sa edad na 62-taong gulang.
Sa pagtugon ni Cardinal Tagle sa kanyang bagong posisyon ay kakailanganin niyang lisanin ang kanyang tungkuling ginampanan sa loob ng 8-taon bilang Arsobispo ng Maynila na magiging sede vacante.
Si Cardinal Tagle ang ikalawang Filipinong Cardinal na magiging bahagi ng Roman Curia na nagsisilbing gabinete ng Santo Papa, ang una ay ang yumaong si Cardinal Jose Tomas Sanchez na nagsilbi bilang Prefect of the Congregation for the Clergy mula 1991 hanggang 1996 at nagsilbi rin bilang secretary ng Propaganda Fide.