194 total views
Ipinaliwanag ng Philippine National Police kung bakit mayorya ng napapaslang at nahuhuli sa pinaigting na operasyon kontra iligal na droga ay maliliit na tao lamang.
Ayon kay PNP Chief Director Chief Supt. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, ito’y dahil mas marami ang maliit na drug pushers at users kumpara sa bilang ng mga drug lord bagamat aniya may napatay na ring isa, si alyas Jaguar na numero unong drug lord sa Visayas.
Pahayag pa ng PNP Chief, hindi rin basta-basta malapitan ang mga pinaghihinalaang drug lord na ang iba ay mga opisyal pa ng gobyerno gaya ng Mayor dahil sa may mga private-armed groups ang mga ito.
“Ganito yun, mas maraming maliliit kasi kaysa sa malalaki, kaya kung tayo ay nag all-out war against drugs, wala tayong pinipili maliit man o malaki sasagaan natin yan, pag ikaw ay nagkampanya ng all-out war kung sino mas marami sila ang naapektuhan, so far yung malalaking drug lord isa pa lang na drug lord ang napaslang natin si Jaguar number one drug lord sa Visayas ganun talaga, yung malalaki konti lang sila and they always come out clean hindi mo sila ma pinned down, ma-pin down mo man sila thru technical means pero yung harap-harapan, hindi mo sila maasahan na may hawak ng shabu o mag positive sila sa drug testing, yung iba mayor may body guard may sariling private armed group,” pahayag ni General Bato sa Radyo Veritas sa programang Barangay Simbayanan.
Samantala, iginiit ng bagong PNP chief na palagi niyang pinaaalalahanan ang kanyang mga tauhan na pairalin pa rin ang karapatang pantao sa kanilang mga operasyon kontra droga at kung may mga lumalabag sa kanyang kautusan.
“Binibigyan ko sila ng warning na huwag abusuhin ang trabaho nila, we must be very aggressive pero irespeto natin ang human rights…” ayon pa kay Bato.
Sa huling tala ng PNP, umakyat na sa 103 katao ang napapatay sa operasyon laban sa kampanya nila sa iligal na droga habang nasa 5,845 na mga hinihinalang drug pushers at users ang naaresto at sumuko mula lamang May 10 hanggang July 3 ng taon.
Nanguna ang Region 4-A sa may pinakamalaking bilang ng mga napatay na nasa 43 tao kung saan 5 heneral naman ng PNP ang isinasailalim ngayon sa ‘due process’ matapos masangkot sa iligal na droga.
Una nang inihayag ng Santo Papa Francisco na ang lahat ay may karapatang magbago lalo na ang mga nalululong sa bawal na gamot subalit kinakailangan ang suporta sa kanila ng lipunan at ng kanilang pamilya para sa tuluyan nilang paggaling na makatutulong sa pag-unlad ng kanilang sarili maging ng komunidad.