801 total views
Homily
1st Misa de Gallo
His Excellency Luis Antonio Cardinal Tagle
Archbishop of Manila
Dec.16, 2019
Manila Cathedral
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, tayo po ay magpuri at magpasalamat sa Diyos sumapit na naman ang simbang gabi at tayo po ay tinipon niya.
Alalahanin po natin ang mga kapatid natin lalo na sa Mindanao na kahapon ay dumanas na naman ng lindol at mas malakas kaysa sa mga nauna pa.
Ako po’y nagpadala ng mensahe sa mga Obispo doon sa bahagi ng Cotabato, Davao, Davao Del Sur. Ang pinaka-naapektuhan ay yung nasasakupan ng Diocese ng Digos. At ang sabi ng Obispo kagabi meron pang isang pari na sugatan dahil inabutan ng lindol habang bumibisita siya sa isang malayong lugar. Pero sabi nung Obispo Chito, simbang gabi na bukas at ipapamalas ng sambayanan na kahit sa lindol ay may pananampalataya at ‘yon po ang diwa, ang diwa ng simbang gabi.
Pananampalataya, nananalig tayo at naniniwala na mayroong darating, Hesus ang diyos ang magliligtas. Emmanuel ang Diyos kapiling natin at sa darating na siyam na araw, Siya ang ating titingnan para sa pagdating ng pasko. Siya si Hesus talaga ang ating tanggapin ng mabago, magkaroon ng liwanag, magkaroon ng kapayapaan ang ating buhay, ang ating pamilya at nang ating sambayanan. Kaya makiisa po tayo sa mga kapatid natin na sa oras na ito baka nagsisismbang gabi hindi sa loob ng isang napakagandang simbahan katulad ng Manila Cathedral.
Subalit pinahahayag pa rin nila ang kanilang pananampalataya at ngayon ang araw ng unang araw ng simbang gabi ay ating pananalangin para sa kabataang Filipino. May hihilingin ako sa inyo, magsabi lamang ng totoo, sino sa inyo ang kabataan? Kasi nga po kailangan natin na himukin ang mga kabataan na lalo na pagpasko tumutok na kay Hesus. Kapag hindi pa magsimula ngayon bilang kabataan sa pagtutok kay Hesus kailan pa?
Huwag ng maghintay pa na merong mga mangyayari sa buhay bago tumutok kay Hesus gawin na ito bilang bahagi na pang araw-araw na buhay.
Simbang gabi, siyam na madaling araw o siyam na gabi. Ito po’y mga misa sa karangalan ng Diyos, sa pagbibigay niya sa atin ng isang babaeng nangangalang Maria na unang tumanggap kay Hesus bilang kanyang anak at sa siyam na buwan dinala niya si Hesus sa kanyang sinapupunan hanggang dumating ang pagsilang, siyam na buwan.
Sa siyam na simbang gabi parang sinasamahan si Maria ng siyam na buwan, bawat araw isang buwan ng pagbubuntis ni Maria at tayo naman sinasamahan natin siya, natututo tayo kay Maria papaano taglayin si Hesus sa ating buhay. Kaya tayo na, nagsimula ito ang unang araw tapusin ang siyam na buwan, tapusin ang siyam kung hindi baka ma-premature.
Hindi naman po puwedeng ang babae nagdadalang tao ay buntis sa Enero pag-Pebrero ay hindi na ulit, Marso buntis na ulit tapos Abril buntis ulit, Mayo hindi na naman buntis. Samahan ho? bakit walang sumasagot? Sasamahan ba? Sorry Mama Mary ‘ayan atin po itong devotion.
Bago po tuluyang maubos ang boses ko, atin pong tutukan ang mensahe ng mga pagbasa sa unang simbang gabi. Sabi po ng Panginoong Hesus sa ebanghelyo ni San Juan Bautista, ay nagpatotoo tungkol sa kanya sa pamamagitan ng pangangaral at buhay ni San Juan Bautista.
Siya ay nagbigay ng pagsaksi na tunay nga para tingnan ang Mesias, ipinakilala niya si Hesus. Iyan ang tungkulin ng saksi, siya ay nagpapatotoo, ang sumasaksi ay tao ng katotohanan at kay Juan Bautista hindi siya sumasaksi lamang sa isang bagay o isang pangyayari, siya ay nagpahayag ng katotohanan tungkol kay Hesus bilang sugo. Mesias galing sa Diyos Ama na pati nga siya hindi karapat-dapat na kalagan ang panali sa sandalias ng paa ni Hesus.
Si San Juan Bautista nagpatotoo tungkol kay Hesus pero sabi ni Hesus bukod kay Juan Bautista meron pang nagpapatotoo na siya nga ang isinugo ng Diyos Ama at ano yon? Ang mga ginawa ni Hesus. Ang mga bulag nakakakita, ang mga pilay nakakalakad, ang mga bingi nakakarinig, ang mga may ketong napapagaling, ang mga patay nababalik sa buhay at ang mga dukha nakakarinig ng Mabuting Balita, ang mga gawa ni Hesus sabi niya ay patotoo na ang Diyos nga ang kumikilos sa Kanya.
Marami kasing tao nagdududa kay Hesus, marami kasi sa kanila humahanga sa talino pero nakikita nila siya nakikisalamuha sa mga makasalanan, nakikikain sa bahay ng isang Zacheo na makasalanan. Kaya nagdududa sila ito nga ba ang sugo ng Diyos? Ang sabi ni Hesus tingnan ninyo ang mga nagpapatotoo sa akin,si Juan Bautista na hinangaan ninyo bakit hindi niyo siya paniwalaan?
At ikalawa ang mga gawa na aking nagagampanan dahil iyan ang gusto ng Ama, hindi niyo po ba nakikita ang aking mga gawa?
Mga kapatid naghahanda tayo para tanggapin nating lahat at marami pang tao si Hesus pero ang panawagan sa araw na ito kailangan ni Hesus ng mga magpapatotoo sa kanya. Lalo na sa mga taong ayaw maniwala kay Hesus, sa mga taong binabatikos si Hesus, sa mga taong minamaliit si Hesus, sa mga taong pinalitan na si Hesus.
Ngayong Pasko si Hesus ba ang pinanabikan ng iba? Mukhang hindi naman, ang pinanabikan ay bonus. Kapag may bonus pasko kahit walang Hesus.
Alam na alam lahat saan may discount pero yung ebanghelyo parang hindi naman yata mahalaga. Sa ibang palamuti sa pasko ni hindi nga nilalagay yung Belen kung saan sa araw ng pasko si Hesus, si Nino Hesus ay ilalagay. Anong mayroon, kahon, kahon na may ribbon, kahon na may na mga ano. Bakit? Ang isisilang ba ni Maria ay kahon? Ang ipinangako ba ng Anghel Gabriel kay Maria ay Maria maglilihi ka ng isang kahon na tatawagin siyang Pasko. At kapag hindi nakatanggap ng kahon sasabihin ay kuwarta o kahon,.
Yung mga kabataan hindi na alam yon. Kaya tama itong mensahe ng mga pagbasa. Pasko ngayon at kahit na hindi pasko kailangan mga tao na saksi kay Hesus. At ang mga paalaala ng Propeta Isaiah sa unang pagbasa ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin. Sabi ni Hesus kung sino yung unang saksi sa kanya? Juan Baustista, ano yung ikalawang saksi sa kanya? Ang kanyang mga gawa. Ngayon sasabihin ko kay Hesus. Hesus may ikatlong saksi na para sa iyo, ang mga nagsimbang gabi sa Manila Cathedral, sila ang sasaksi sayo tulad ni Juan Bautista sa kanilang maalab na pananampalataya at sa kanilang gawa.
Justice, goodness, love so that there will be peace on us. Tayo po, lalo na ang kabataan huwag lang kayo sasaksi sa mga bagay na mabibili. Ano ang moda at lalu na huwag kayong maging saksi ng kabulaan, kasinungalingan na ang tawag na fake news.
Alalahanin ninyo si Hesus pinatay dahil sa false testimonies at mga huwad na saksi, hindi iyan ang kailangan natin. Tunay na saksi ang nagpapatotoo kay Hesus, yan ang ating ialay sa kanya at matutuwa ang mahal na birhen sasabihin niya totoo nakita na nila na ang pinaglilihi ko si Hesus ay hindi kuwarta o kahon.
Tumahimik po tayo sandali at tanggapin ang misyon na sumaksi kay Hesus.