330 total views
Umaasa ang pinunong pastol ng Diyosesis ng Dumaguete na magbunga ng panibagong pag-asa, pag-ibig at kasiyahan sa bawat mamamayan ang bagong taon sa tulong at gabay ng liwanag ng Panginoong Hesukristo.
Ipinagdarasal ni Bishop Julito Cortes na makamit ng sambayanang Filipino ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal sa bayan at pagsasantabi sa mga personal na interes.
“May this new year, bring us greater hope that in our community especially in our country; unity and not division may reign,” pahayag ni Bishop Cortes.
Dalangin din ng Obispo ang pagkakaunawaan ng bawat isa upang maiwasan ang karahasan at magkaisa sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad at maging sa mga pamilyang naiipit sa laban ng mga rebeldeng grupo at Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
“Understanding and not violence shall reign and may we be filled with love that both you and I may always be move with compassion,”panalangin ng Obispo
Hangad din ni Bishop Cortes sa bawat isa na maging tagapaghatid ng Mabuting Balita ng Panginoon sa kapwa na magdulot ng kasiyahan at makatulong na mapalakas ang kalooban ng mga nanghihina ang pananalig sa Diyos.
Umaasa ang Obispo na matigil na ang hindi pagkakaunawaan sa pamayanan sa pamamagitan ng pakikipag-usap ng bawat panig.
“We pray that we find peaceful resolution to our political and spiritual differences through a culture of dialogue,” saad ni Bishop Cortes.
Kasalukuyang ipinagdiriwang ng Simbahan sa Pilipinas ang Year of Ecumenism, Inter-religious Dialogue and Indigenous People, ang ikawalong paksa sa siyam na taong paghahanda sa pagdiriwang ng ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa na ipagdiriwang sa 2021.
Tema ngayong taon ang ‘Dialogue Towards Harmony’ tungo sa pagkakasundo-sundo sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw at pananampalataya bilang si Hesus ay isinilang para sa kapayapaan at pagbubuklod buklod ng pamayanan.