189 total views
Tunay na nakatulong ang Batas Militar sa pagsugpo ng masasamang elemento at puwersa sa rehiyon ng Mindanao.
Ito ang ibinahagi ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña kaugnay sa naging pagtatapos ng implementasyon ng Martial law sa Mindanao noong December 31, 2019.
Inihayag ng Obispo na tunay na nakapagdulot ng kapayapaan at nakatulong sa pagtiyak ng seguridad sa rehiyon ang implementasyon ng Batas Militar sa Mindanao na naglalayong malansag ang mga armado at teroristang grupo.
“I think it was providential na nagkaroon, naisipan i-proclaim yung Martial Law dito sa Mindanao dahil nga atleast nagdulot ito ng kapayapaan, nakatulong ito sa pagsugpo sa masasamang elemento…”pahayag ni Bishop Dela Peña sa panayam sa Radyo Veritas.
Gayunman, sinabi ng Obispo na naaangkop lamang ang tuluyang pagtatapos nito upang muling maipagpatuloy ng mamamayan ang normal na pamumuhay.
Ipinaliwanag ni Bishop Dela Peña na ang implementasyon ng Martial law ay nagdudulot ng diwa ng palaging pagiging maingat at handa mula sa masasamang puwersa o pag-atake na hindi magandang indikasyon lalo na sa industriya ng kalakalan sa rehiyon.
“At the same time we are also happy na natapos na din yung Martial Law dahil ang Martial Law it always conjures in the mind of people an emergency situation at saka kung palagi tayong nasa emergency ay we cannot think of normalizing our lives including commerce industry mahirap makapag-attract ng investment dito sa Mindanao kung palaging may emergency dito tulad nung Martial Law so we’re happy it is finished…” Pagbabahagi ni Bishop dela Peña.
Inamin naman ng Obispo na sa kasalukuyan ay wala pa ring pagbabago at hirap pa ring makabangon ang siyudad ng Marawi o ang mismong ground zero.
“We are still waiting and it’s very difficult now to be waiting after more than 2 years na nung matapos yung gyera sa Marawi at ang hirap bumangon mahirap makabangon ang Marawi…”pahayag ng Obispo
Matatandaang May 23, 2017 ng idineklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang 60-Day Martial Law o Batas Militar sa rehiyon ng Mindanao bilang tugon sa naging pag-atake ng ISIS-inspired Maute Group sa Marawi City.
Sa kabuuan, tatlong beses na napalawig ang Batas Militar sa Mindanao na katumbas ng 953-araw na tuluyan ng nagtapos noong ika-31 ng Disyembre 2019.