176 total views
Katarungan ang panawagan ng Nuclear free Bataan Movement para sa kanilang kasamahan na si Gloria Capitan na pinaslang noong unang araw ng Hulyo.
Ayon kay Derec Cabe, coordinator ng N-F-B-M, kilala si Capitan sa katapangan nito sa pakikipaglaban para sa kanilang karapatan sa malinis na kapaligiran at malusog na pamayanan.
Pinangungunahan rin nito ang mga public actions at ang pagsasaayos ng legal na isasampang kaso laban sa open coal storage na pagmamay-ari ng kumpanyang Limay Bulk and Handling Terminals Inc.
Inihayag ni Cabe na hindi patas ang ginawang pagpaslang sa kanilang kasamahan, at tiniyak nitong hindi sila titigil hanggat hindi naipasasara ang mga mapaminsalang Coal Fired Power Plant sa Bataan.
“Ang panawagan talaga naming ay magkaroon ng katarungan doon sa pagpatay, kasi hindi naman yun yung fair na laban, ang nilalaban namin ay yung usapin ng karapatan sa kalusugan, malinis na kalikasan sa aming komunidad, pero ang isinagot sa amin ay itong pagpatay, yung atake sa legitimate NA grievance, legitimate na issue ng mga mamamayan na nakapaligid doon sa mga coal storage at mga coal plants.” Ang bahagi ng pahayag ni Cabe sa Radyo Veritas.
Sa Bataan matatagpuan ang dalawang open coal storage facilities, 140 MW Coal Fired Power Plant at isang 600 MW na planta.
Bukod dito, may natakda pang expansion ng planta na 1,200MW na GN Power mariveles, at 600MW San Miguel Global Power.
Una nang iminungkahi ni Pope Francis, sa encyclical nitong laudato si ang pagpapalawak ng pag-gamit sa renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.