209 total views
Bilang pag-iingat at pagtiyak sa kaligtasan ng milyong-milyong mga deboto ng Poong Hesus Hazareno, inihayag ng pamunuan ng Quiapo Church ang pagbabago ng ruta ng prusisyon sa taunang pagdiriwang na gaganapin sa ika-9 ng Enero.
Ayon kay Fr. Douglas Badong-parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa halip na sa Jones bridge ay dadaan ang prusisyon sa Ayala bridge base na rin sa rekomendasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Base sa ginawang pagsusuri sa ngayon, tanging ang Ayala bridge lamang ang maari nating magamit. ‘Yan ay base na rin sa ipinalabas at rekomendasyon ng DPWH. At dahil sa Traslacion sa January 9, 2020 ang ating pong tulay na gamitin ay ang Ayala bridge malapit sa Malacañang.
Tema ngayong taon ng Traslacion 2020: Iba’t ibang KALOOB, isang DEBOSYON tungo Sa isang MISYON!
Paliwanag pa ng pari, mula sa apat na tulay na maaring daanan ng prusisyon- ang Quezon, Mc Arthur at Jones bridge ang Ayala bridge lamang ang ligtas na gamitin dahil ito ay sumailalim na sa pagkukumpuni retrofitting.
Kabilang sa susundang ruta ay mula Quirino grandstand, kakaliwa ng Katigbak drive patungong kanan ng Padre Burgos St. at magka-counter flow sa Finance road at kakaliwa ng Finance road patungong Ayala boulevard.
Pagbaba ng tulay ng Ayala bridge ay kakaliwa naman ng Palanca St. at kakanan sa Quezon boulevard.
Pagdating sa Quiapo area ay ang dating ruta na ang susundan hanggang sa makabalik ng simbahan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo church.
Nanawagan din ng pag-unawa at pakiisa ang pamunuan ng simbahan sa mga deboto hinggil sa mga pagbabago ng ruta.
Giit pa ng pari, hindi layunin ng pamunuan na paikliin o pahabaiin ang ruta kundi ito ay para sa mas mapayapang pagdiriwang ng pista lalu na ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga deboto.
“Kaya’t hiling namin sa inyo ay ang inyong pang-unawa, lalu’t higit ang inyong pakikiisa upang mas maisagawa natin ito nang may kabanalan at ng mayroong kapayapaan. Hiling din naming ang inyong pakikiisa at pakikipagtulungan sa ating mga kapulisan na tutulung din naman sa atin para mas maging maayos ang ating prusisyon,” ayon kay Fr. Badong.
Panawagan din ng pari ang kahinahunan maging pag-iingat ng lahat ng mga deboto sa kanilang mga daraanan gayundin ang pagpapanatili ng kalinisan at pangangalaga sa mga halaman at poste na daraanan ng prusisyon.
Sa tala, umaabot sa 20 milyon ang bilang ng mga deboto na nakikiisa sa taunang Traslacion kung saan pinakamatagal ding naitala ang 22 oras na prusisyon mula Quirino grandstand hanggang sa pagbalik sa simbahan ng Quiapo ng Poong Hesus Nazareno.