226 total views
Pinatunayan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy na walang pinipili ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan kahit na magkaiba ang pananaw, paniniwala at tradisyong kinagisnan.
Binisita ng Obispo ang komunidad ng mga Muslim sa Tagbilaran kasabay ng Dakilang Kapistahan Ng Pagpapakita Ng Panginoon at ikatlong anibersaryo niya ng pagiging obispo upang mamahagi ng mga regalo.
Binigyang diin ng Obispo na ang pagdiriwang ay paalala sa bawat isa na ipinagkaloob ng Panginoon ang dakilang pag-ibig sa lahat.
“The solemn feast of the Epiphany reminds us that the love of God is for everyone,” pahayag ni Bishop Uy.
Ito rin ay pakikiisa ng Obispo sa pagdiriwang ng Simbahang Katolika ng Pilipinas sa Year of Ecumenism, Inter-religious Dialogue and Indigenous Peoples, ang ikawalong paksa sa siyam na taong paghahanda sa ika – 500 anibersaryo ng kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021.
Tema ngayong taon ang ‘Dialogue towards harmony’ kung saan palalawakin ng simbahan ang pagsusulong ng mga pag-uusap tungo sa pagbubuklod-buklod ng mamamayan para sa kapayapaan.
Ayon kay Bishop Uy, ang pagmamahal sa kapwa ay maaring ipakikita sa payak na pamamaraan na kalugod-lugod sa Diyos kaya’t hinimok nito ang mananampalataya na patuloy ibahagi sa kapwa ang pag-ibig ng Panginoon.
“True love knows no boundaries,” ani ng obispo.
Labis ang pasalamat ng Obispo sa Muslim community sa mainit na pagtanggap sa kanya.
Bukod dito, nagdiwang din ng Banal na Misa ang Obispo sa Governor Celestino Gallares Memorial Medical Center bilang pasasalamat sa kanyang ikatlong taon bilang pinunong pastol ng Diyosesis ng Tagbilaran.
Binisita at nakipag-ugnayan si Bishop Uy sa mga manggagawang pangkalusugan, mga pasyente at maging sa mga volunteers ng iba’t-ibang charity works ng diyosesis.
Nagpasalamat si Bishop Uy sa mga sumusuporta at nagbahagi ng kanilang oras, talento at maging ng kayamanan at gamit para makapaghatid ng mga regalo sa Muslim community at iba pang komunidad na tinutulungan ng Simbahan sa Bohol.
Hiling ni Bishop Uy sa mananampalataya ang patuloy na panalangin para sa kanyang misyon bilang pinuno ng diyosesis at magampanan ang mga gawaing iniatang sa kanyang pangangalaga.