225 total views
Nanawagan ng panalangin at tulong ang Filipino priest sa Australia para sa mga mamamayang biktima ng malawakang bushfire sa ilang bahagi ng kontinente.
Ito ang panawagan ni Fr. Roel Llave-parish priest at administrator ng Saints Mary and Joseph Cathedral sa Armidale New Southwales, Australia.
Ayon sa Filipinong pari, nakaranas sila ng bushfire sa kanilang lugar habang patuloy pa rin ang sunog sa iba pang bahagi ng Australia na ang ilan din ay dahil sa sadyang panunog o arson.
“At these time medyo clear na dito sa area namin. We had the bushfire around November-December talagang napaka-usok nya on a daily basis. And now it’s toward the west and the south of Australia. So we really are asking for prayers para umulan sa Australia,” ayon kay Fr. Llave.
Sinabi ni Fr. Llave na may pag-ulan na sa ilang lugar subalit higit pa rin itong kailangan lalu na sa mga lugar na hindi pa naaapula ang sunog.
“Kasi ang bushfire ay natural tendency dahil ang gum trees may mga dagta talaga na flammable so natural ang bushfire, kaya lang siguro dahil sa dami ng nangyayari and some are with houses and properties kaya mabigat talaga,” dagdag pa ng pari.
Inihayag ni Fr. Llave na patuloy rin ang mga parokya at bawat diyosesis sa Australia sa pagsasagawa ng special collection para magbigay ng tulong sa mga residenteng nasunugan at nawalan ng mga ari-arian.
“In our own little way merong mga special collections para sa mga affected families lalu na nung Christmas…every week we have the prayer for rain, since last year pa. And in our area we have water restriction,” ayon pa sa pari.
Habang umiiral na rin ang pag-usal ng Oratio Imperata para sa pagkakaroon ng ulan at ang pagtitipid sa paggamit ng tubig lalu’t tag-init ngayon sa Australia.
Tinatayang may 300 Filipino ang kabilang din sa mga biktima ng bushfire sa Australia.
Umaabot na sa 12 million acres o higit sa 4 na milyong ektarya ng lupa ang nasusunog dahil sa bushfires.
Sa kabuuan ay may higit sa 200 libong Filipino ang mga nagtatrabaho at naninirahan sa Australia ayon na rin sa 2016 report ng Australian Bureau of Statistics.