261 total views
Mariing kinondena ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang patuloy na pagdami ng bilang ng natatagpuang bangkay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga dahil sa patuloy na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra droga.
Ayon kay Bishop Bacani, batay sa moral na katuruan ng Simbahang Katolika ay hindi kailangan maging solusyon ang paggawa ng mali makamtan lamang ang tama.
Ikinatwiran ng Obispo na nagdudulot lamang ito ng baluktot na pasimula.
“You cannot do evil in order to achieve good. Hindi ka pwedeng gumawa ng mali para makamtan mo yung tama. Kapag gumawa ka ng mali nauna na yung mali sa tama at baluktot na kaagad ang pasimula. Kaya dapat una tayo ay may paggalang sa karapatang pantao. Ikalawa, sa karapatan ng tao dito sa Pilipinas na naaayon sa konstitusyon,” pahayag ni Bishop Bacani sa Veritas Patrol.
Pinuna rin nito ang paglalagay sa kamay ninuman ang paghatol sa isang taong nagkasala na hindi na naidaraan sa tamang proseso o “due process” na kung saan pinadali ang sistema na pati buhay ay nagiging kapalit.
“Hindi naman sa ang due process ay masyado nating pahahabain na ang tunay na due process ay pwede talagang paiksiin. Pero hindi naman po kunan ng buhay o patayin ang tao na ang lilitis sa kanya at mag – aakusa sa kanya at magpapatupad ng hatol sa kanya iisa nalang. Hindi pwede yan,” giit pa ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Naitala naman na mula Mayo hanggang ika – 3 ng Hulyo ay umabot na sa 103 ang namatay dahil sa kampanya ng pulisya kontra iligal na droga.